Kahit para sa hukuman ng Milan ay isang diskriminasyon ang requirement ng EC long term residence permit o carta di soggiorno. At inutusan ang Comune di Milano at ang Inps na tanggalin ito bilang requirement sa kanilang mga websites.
Roma, Nobyembre 16, 2015 – Halos € 340 kada buwan sa loob ng limang (5) buwan matapos manganak o mag-ampon ng isang bata. Ito ang maternity allowance mula sa Comune, isang tulong pinansyal sa mga nanay na higit na nangangailangan at walang tinatanggap na anumang allowance (hal: maternity allowance para sa mga empleyado). Ang aplikasyon ay isinusumite sa Comune kung saan residente sa loob ng anim (6) na buwan matapos manganak o ang mag-ampon.
Ang allowance ay nakalaan sa mga Italyano, Europeans at non-Europeans ngunit sa huling nabanggit ay hinihingan ng (D.Lgs. 151/2001) ng parehong batas na nagtatag nito, ng EC long term residence permit o carta di soggiorno.
Ang requirement na ito ay tinanggal at itinuring na isang diskriminasyon ng ilang hukom at pinag-utusang ibigay ang allowance kahit sa mga dayuhang ina na mayroong normal na permit to stay lamang, tulad ng per lavoro o per motivi di famiglia. Ilang araw pa lamang ang nakakalipas, maging ang hukom ng Milano ay humantong na rin sa ganitong konklusyon.
Tinanggap ni Hukom Paola Di Lorenzo ang apela na isinulong ng isang Egyptian, sa pamamagitan nina lawyers Livio Neri at Alberto Guariso ng Associazione Studi Giuridici sull’Immigrazione (Asgi). At dahil walang carta di soggiorno, ang Comune di Milano ay hindi siya pinahintulutang magsumite ng aplikasyon matapos ipanganak ang ika-apat na anak nito.
Ang naging tugon ng Comune, tulad ng mababasa sa ordinanza noong Nobyembre 6, “tunay na isang diskriminasyon” at samakatwid ay kailangang itigil sa lalong madaling panahon. Tinukoy ng hukom ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay na nasasaad sa Konstitusyon ng Italya at binigyang diin na walang anumang koneksyon ang tulong o benepisyo sa mga nanay sa citizenship o sa carta di soggiorno.
Samakatwid, ang desisyon: dapat tanggapin ng Comune ang aplikasyon at ipadala sa INps, na syang magbibigay ng benepisyo kasama ang kaukulang interes sa pagkakaantala nito. Inutusan ng hukom ang Comune at ang Inps na tanggalin sa kanilang mga websites ang mga pahina kung saan ipinapaliwanag ang requirement ng carta di soggiorno sa sinumang maaaring makatanggap ng allowance.
Tribunale di Milano, ordinanza del 6 novembre 2015