Ang sinumang naka-pending ang aplikasyon ng Regularization 2020 dahil naghihintay ng opinyon mula sa Questura at Ispettorato ay makakatanggap ng komunikasyon mula sa mga Sportello Unico para pirmahan ang employment contract.
Ito ay matapos maglabas ang Ministry of Interior ng komunikasyon dahil sa dami ng mga naka-pending na mga aplikasyon at upang maiwasan ang anumang reklamo mula sa mga aplikante.
Sa katunayan sa pamamagitan ng Circular May 11, ay sinabi ng Ministry na lahat ng mga aplikasyon sa Regularization 2020 na naghihintay pa rin hanggang sa kasalukuyan ng opinyon mula sa Questura at mga Ispettorato del lavoro, ay magpapatuloy na sa susunod na hakbang ng proseso o ang appointment sa mga Sportello Unici.
Ito ay isang desisyon na magpapatuloy sa releasing ng nulla osta al lavoro nang hindi na kakailanganing hintayin pa ang opinyon ng Ispettorato (na pinalitan ng sinumpaang salaysay ng mga propesyonal) at makalipas ang 30 araw, kahit sa kawalan ng opinyon ng Questore.
Samakatwid, simula sa May 15 ay magsisimula ang trabaho ng mga IT para sa awtomatikong pag-usad ng mga aplikasyon sa susunod na hakbang at bibigyan ng appointment sa mga Sportello Unici ang mga naka-pending ng mga aplikasyon.
Kaugnay nito, tinukoy din ng Ministry, na kung sakaling mapirmahan ang employment contract at lumabas ang negatibong opinyon ng Questura, ang Sportello Unico ay maaaring bigyang proteksyon ang tanggapan sa pamamagitan ng pagbawi sa naging probisyon, matapos ang maingat na pagsusuri. (PGA)