Sa December 2, 2023 ang unang araw ng click day o ang pagsusumite ng aplikasyon para sa ‘nulla osta’ o work permit ng mga non-Europeans na pinahihintulutang makapasok sa Italya sa taong 2023, tulad ng nasasaad sa tanyag na ‘Decreto Flussi’. Ito ay inilathala sa Official Gazzete noong nakaraang Oct 3, 2023. Gayunpaman, ipinapayo ang manatiling sumubaybay sa mga karagdagang opisyal na komunikasyon mula sa mga karampatang Ministries.
Ano ang Decreto Flussi?
Ang Decreto Flussi, batay sa batas 40 ng 1998, ay taunang pagtatalaga ng quota o bilang ng mga dayuhang pinahihintulutang regular na makapsok sa Italya para makapag-trabaho, kabilang dito ang seasonal, non-seasonal at self-employed na trabaho.
Para sa triennio (o tatlong taon) 2023-2025, itinalaga ng gobyerno ni Meloni ang pagpasok ng 450,000 dayuhang manggagawa.
Kabilang sa mga pagbabago sa tatlong taong nabanggit ay ang sumusunod:
- Tinaasan pa ang quota o bilang;
- Karagdagang propesyon at sektor.
Ang Decreto Flussi 2023-2025
Sa Decreto Flussi 2023-2025 ay nasasaad ang mga sumusunod na bilang o quota:
- 136,000 foreign workers para sa taong 2023;
- 151,000 para sa taong 2024;
- 165,000 pata sa taong 2025.
Decreto Flussi 2023
Para sa taong 2023, 52,770 ang quota na itinalaga para sa pagpasok sa Italya ng mga non-seasonal at self-employed workers sa iba’t ibang sektor, kabilang ang road haulage for third parties (autotrasporto), construction, tourism-hotel, mechanics, telecommunications, food industry, shipbuilding, bus transport, fishing, hairdresser, electrician at plumber (iba pang bagong feature ng Decree).
Ang bilang na 25,000 mga non-seasonal foreign workers ay manggagaling sa mga sumusunod na bansa:
Albania, Algeria, Bangladesh, Bosnia – Herzegovina, Korea (Republic of Korea), Ivory Coast, Egypt, El Salvador, Ethiopia, Philippines, Gambia, Georgia , Ghana, Japan, Guatemala, India, Kyrgyzstan, Kosovo, Mali, Morocco, Mauritius, Moldova, Montenegro, Niger, Nigeria, Pakistan, Peru, Republic of North Macedonia, Senegal, Serbia, Sri Lanka, Sudan, Tunisia at Ukraine.
Bukod sa nabanggit, mayroong 2,000 entry quota na nakalaan para sa mga workers na magsusulong ng mga campaigns laban sa illegal migration.
Mayroon ding 12,000 na bilang ang nakalaan para sa mga non-EU counties na may migration cooperation agreement sa taong 2023.
Sa road haulage sector, ang mga quota para sa mga drivers na may EC professional driver’s license, na nagmumula sa mga bansang may bilateral agreement sa Italya (Algeria, Morocco, Moldova, Republic of North Macedonia, Sri Lanka, Tunisia, Ukraine).
Tulad ng hinihintay ng maraming Pilipino, may bilang na 9,500 para sa domestic job – colf at babysitters – para sa taong 2023.
May nakalaan ding bilang na 100 para sa mga workers na may italian origin hanggang third degree at residente sa bansang Venezuela.
200 naman ang quota na nakalaan sa mga stateless at refugees na kinikilala ng United Nations High Commissioner for Refugees.
Nasasaad din sa Decreto Flussi ang 500 quota para sa mga self-employed tulad ng mga artists, business man na mamumuhunan ng hindi bababa sa €500,000, mga managers at owners ng corporate office, mga freelancer, at mga mamamayan na nagnanais na magsimula ng startup.
May nakalaan ding bilang o quota para sa conversion ng mga permit to stay:
- 4,000 para sa conversion mula sa permesso di soggiorno per lavoro stagionale sa non-stagionale;
- 100 para sa conversion ng mga EC long term residence permit na inisyu ng ibang EU country sa permesso di soggiorno per lavoro subordinato.
Bilang panghuli, 82,550 entries ang nakalaan para sa seasonal job – 40,000 para sa agricultural sector at 30,000 sa hotel-tourism.
Kailan ang simula ng aplikasyon para sa Decreto Flussi 2023?
Ang aplikasyon para sa nulla osta ng mga non-EU workers ay maaaring isumite ng employer (Italians o non-EU na regular na residente sa Italya), gamit ang SPID – Public Digital Identity System.
Ang mga aplikasyon ay maaaring sagutan at ipadala online sa pamamagitan ng website ng Ministry of Interior (https://portaleservizi.dlci.interno.it/AliSportello/ali/home.htm) sa mga sumununod na petsa:
- December 2, 2023 para sa mga aplikasyon ng non-seasonal job
- December 4, 2023 para sa ilang kategorya ng mga non-seasonal job;
- December 12, 2023 para sa ilang aplikasyon ng nulla osta online para sa seasonal job.