Ikaw ba ay 18 anyos na? Bibigyan ka ng estado bilang regalo ng 500 euros upang bumili ng mga aklat, pumunta sa cinema, bisitahin ang museo o ang anumang bagay na magpapalalim ng iyong kaalaman sa kultura. Ngunit kung ikaw ay isang dayuhan, dahil ang kapalaran mo ay ang maging anak ng mga imigrante, ay walang anumang regalong matatanggap.
Rome, Disyembre 16, 2015 – Ang youth culture card o card cultura giovani na inilunsad kamakailan ng gobyerno ay hindi matatanggap ng mga dayuhan ng ikalawang henerasyon.
Ito ay inilunsad ni Matteo Renzi bilang malugod na pagtanggap sa komunidad ng mga nasa tamang gulang na, ngunit higit sa lahat ay ang paraan ng estado ng “pagbibigay ng responsabilidad at pagpapamana ng pinaka mahalagang yaman ng kultura ng mundo”. Ngunit kung babasahing mabuti ang susog na ginawa ng kanyang gobyerno sa Stability law, ay makikitang ang pagtanggap na nabanggit ay hindi nakalaan para sa lahat.
Ang teksto na inaprubahan sa Budget Committee sa House ay naglalaan ng electronic card na mayroong € 500 sa lahat ng mga Italians at Europeans na residente sa bansa na magiging 18 anyos sa taong 2016. Ang mga non-EU youth, kabilang ang mga lumaki at marahil ay ipinanganak sa Italya ay hindi maaaring makatanggap ng e-card.
Bakit? Dahil ba ang “pinakamagandang cultural heritage ng mundo” ay hindi nakikita ng mga mata, hindi tinatanggap ng pag-iisip at hindi nararamdaman ng mga anak ng imigrante? Bukod dito, ayon sa batas ang gobyerno ay dapat na ibigay din ang parehong pagkakataong ito na nakalaan para sa mga Italians at Europeans kahit man lamang sa mga mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno. Ngunit hindi.
Gayunpaman, mayroon pa ring pagkakataon upang makabawi. Nasa House of Deputies ang Stability law bukas. Isang maliit na susog lamang ang kinakailangan upang tuluyang matanggal ang kawalan ng katarungan.