Ang panawagan ng mga munispyo at pagpunta ng awtoridad sa mga tahanan ng mga hindi sumagot sa questionnaire. Zirilli “Maraming mga regular na imigrante ang di napabilang sa census. Ang pinaka mabigat na trabaho ay nagsisimula ngayon”.
Roma, Mayo 28, 2012 – Ano ang nangyari sa 800,000 mga imigrante na tila nawawala sa huling Census? Umabot sa 4 na milyon at kahalati ang mga imigranteng naitala bilang residente sa Italya sa simula ng taong 2011 ngunit ayon sa mga unang datos, halos tatlong milyon at pitong daang libong imigrante lamang ang sumagot sa questionnaire ng Istat.
Ang katanungan, higit ay para sa mga Munisipyo, na batay sa magiging risulta ng pinakahuling Census ay ia-update ang kanilang listahan ng mga residente. Ang sinumang hindi sumagot, at hindi magri-risultang naninirahan sa huling address nito, ay makakansela sa registry office o anagrafe. Ngunit para sa mga imigrante, ang makansela kahit pa pansamantala lamang, ay maaaring mag-iwan ng pinsala tulad ng panahong kinakailangan para sa aplikasyon ng citizenship.
“Ang pinakamabigat ng trabaho para sa mga munisipalidad ay ang kasalukuyan. Kailangang ihambing ang populasyon sa magiging resulta ng census, tutukan ang mga pagkakaiba at suriin ang bawat kaso. Ang aking kinatatakutan ay maaaring maraming mga imigrante, kahit mayroong mga permit to stay, ay di nakabilang sa census” ayon kay Igor Zirilli, ang vice president ng Dea, ang asosasyon na nagtitipon sa mga operators ng demographic service ng mga munisipyo.
Bakit hindi sila tumugon? “Ang mga dahilan – ayon sa eksperto – ay maaaring marami. May ilang hindi natanggap ang questionnaires, may ilang nakatanggap ngunit hindi naman ito naintindihan, may ilang hindi sumagot sa kawalang tiwala. Mayroon ding mga partikular na sitwasyon, halimbawa ay ang paninirahan sa mga kakilala ay ayaw nilang mag-resulta bilang mga residente upang hindi maapektuhan ang kilalang ‘idoneità alloggiativa’ para sa gagawing family reunification o pag-aaplay ng carta di soggiorno.
Gayunpaman, hindi pa rin dapat ikabahala ang mga ito, dahil ang pagkakansela ay hindi awtomatiko. Ang mga pulis (vigili urbani) ay kakatok sa bahay ng mga nawawala sa listahan, at ang kanilang pagbubukas ng pinto ay maaaring maging patunay na sila ay nananatiling naninirahan sa kanilang pinakahuling address. Sa kasalukuyan ay maraming mga munisipyo na ang nananawagan sa mga imigranteng hindi tumugon sa Istat.
Ang munisipalidad ng Ragusa, halimbawa, ay naglathala sa kanilang website ng isang paunawa:
“Inaanyayahan ang mga imigrante na residente ng munisipyong ito ngunit hindi sumagot at hindi napabilang sa census simula noong October 9, 2011, na magtungo sa Ufficio Anagrafe upang makumpirma ang pagiging patuloy na residente ng ating munisipalidad. Ang mga imigrante na hindi tumugon at hindi napabilang sa census, ay dapat magpakita ang dokumentasyon na magpapatunay ng pagiging regular ang pananatili sa bansa”.
“Ang mga mga paunawa ay isang mainam na solusyon ng mga munisipyo para sa ikabubuti ng kanilang mga mamamayan”, komenta ni Zirilli. Ngunit mayroong bang kaukulang multa ang sinumang sasagot sa panawagan ngayon at di sumagot sa census? “Ang sinumang nananatiling nasa Italya at mayroong permit to stay ay hindi dapat magtago. Ang kanselasyon bilang residente ay dapat higit na magbigay ng pagkabahala kumpara sa isang multa”.