Milan – Aug. 7, 2010 – Masaklap na pangyayari ang inabot ng isang Pinay na kinilala sa pangalang Emilu Arvesu, 41 years old, legal naninirahan sa bansa, may dalawang anak, napadaan sa Viale Abruzzi, Milan at napagtripan ng isang 25 years old na si Oleg Fedchenko, Ukrainian at boxing umano ang hobby nito.
Ayon sa mga balita, nakipag-break-up ang girlfriend ng killer at ang unang tao na kaniyang makikita sa daan ay kaniyang bubugbugin. Kalalabas lamang ng bahay si Oleg at ang kaniyang nakitang napadaan ay si Emilu Arvesu at ito’y kaniyang pinagsusuntok sa mukha at pinagsisipa. May nakasaksi sa pangyayaring ito subalit wala silang nagawa. Dumating ang saklolo at walong pulis ang nakapigil sa walang kontrol na lalaki.
“Che orrore la morte della giovane madre filippina uccisa a pugni da un uomo di nazionalita’ ucraina in viale Abruzzi a Milano”. Ito ang nabanggit ni Roberto Formigoni, presidente ng Regione Lombardia. Kaniyang ipinahayag sa pamamagitan ng facebook ang pakikiramay sa malagim na kamatayan ni Emilou. Ang ganitong pangyayari ay sumisira sa pagsasama-sama ng isang pamilya. Ipinaabot ni Formigoni ang kaniyang taos pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima at sa buong komunidad ng mga Filipino sa Lombardia.
Ipinarating rin ni Vicemayor ng Milan at Security Councellor Riccardo De Corato – “Nais kong iparating ang aking personal na pikiramay sa pamilya ng biktima, ang aking pakikiisa sa buong komunidad ng mga Filipino na siyang pinakamaraming bilang sa Milano at laging ehemplo ng at ng integrasyon at may respeto sa mga regulasyon”. Ayon pa kay De Corato, kung kinakailangang ibigay ng Comune sa mga pulis ang mga nakuhang scenes sa telecamera ay kanilang gagawin.
Ang malagim na pagpatay sa Pinay ay naging masamang karanasan hindi lamang ng pamilya ng biktima, mga naninirahan sa lugar kung saan nangyari ang aksidente. Kahit ang mga institusyon at mundo ng politiko ay nagulantang sa mga pangyayari.
Ang Pdl Senator Ombretta Colli ay nagsabi na kailangan ang isang sikolohikal na pagsusuri sa mga manlalarong tulad ng boxing. “Nagulantang ako – paliwanag ng senador – sa paraan ng pagkamatay ng Filipina. Aking pinanghahawakan na kinakailangan, sa pamamagitang ng isang pambatasang panukala, isang malalim na psychological test ang dapat na isagawa para sa mga nag-aaral ng sport tulad ng boxing”. Tulad ng eksamin na isinasagawa sa nagnanais na magkaroon ng mga firearms – dagdag ni Colli – sapagkat kahit ang mga kamay ay maaaring maging dahilan ng pagpatay tulad ng nangyari sa nasawing Filipina.
Samantala, ipinarating rin ni Guido Podesta, presidente ng Provincia di Milano, ang kaniyang pakikiramay sa pamilya at kaibigan ng walang awang pinatay na Filipina. Malungkot man, sa panahon umano ng summer, marami ang kaso ng karahasan sa mga babae ang nangyayari. Kaya’t ang Probinsya, kahit sa kabila ng kakulangang pinansyal ay pinanatiling bukas ang Osservatorio na tunutulong sa mg babaing biktima ng karahasan at stalking. (Liza Bueno Magsino)