Ilang diploma at linguistic certification na natanggap sa Italya ay exempted sa pagsusulit ng integration agreement. Inilabas ng Ministry of Interior ang listahan.
Roma – Marso 24, 2015 – Pagsusulit sa wikang italyano at sibika ng mga kabataan at mga mamamayang dayuhan na pumasok at nakapasa sa mga paaralang italyano? May halaga ba? Wala, at nararapat lamang na i-angkop ang burukrasiya sa imigrasyon.
Mula Marso 2012, ang sinumang dumadating sa Italya ay sumasailalim sa isang kasunduan sa pamamagitan ng tinatawag na ‘integration agreement’ na nauugnay sa ‘point system’ o mas kilala bilang ‘permesso a punti’. Ito ay nangangahulugan na sa loob ng dalawang taon, ay kailangang maabot ang sapat na antas ng kaalaman sa wikang italyano at sibika at ang wastong pamumuhay sa Italya, na susuriin sa pamamagitan ng pagsusulit sa mga tanggapan ng Sportello unico per l’Immigrazione.
Ang Ministry of Interior, gayunpaman, ay nagkaroon ng kasunduan sa Ministry of Education, ukol sa mga exemptions sa italian test ng mga mayroong diploma o linguistic certification. Isang circular ang ipinalabas kamakailan sa mga tanggapan ng Sportello Unico upang kilalanin ang mga ito, na nahahati sa apat (4) ng grupo.
Sa unang grupo ay kabilang ang mga diploma buhat sa mga paaralan: diploma sa junior high school (ang itinuturing sa Italya na primo ciclo di istruzione) at diploma sa vocational training at diploma sa vocational course.
Sa ikalawang grupo ay kabilang ang mga diplomang ipinagkaloob sa school year 2015/2015 ng mga Provincial School for Adults o Centri provinciali di istruzione per adulti (CPIA): diploma sa junior high school (ang itinuturing sa Italya na primo ciclo di istruzione), sertipiko ng A2 level sa wikang italyano.
Sa ikatlong grupo ay ay kabilang ang mga diplomang ipinagkaloob sa school year 2015/2015 ng mga Centri Territoriali Permanenti (CTP): diploma sa junior high school (ang itinuturing sa Italya na primo ciclo di istruzione), sertipiko ng A2 level sa wikang italyano.
Ang sinumang nagtataglay ng isa sa mga nabanggit na kwalipikasyon sa tatlong grupo ay exempted din sa pagsusulit sa sibika. Sa katunayan, tulad ng paliwanag sa circular, “pinaniniwalaan na ang mga nabanggit na antas ay nagturo rin ng kinakailangang kaalaman sa sibika”.
Ang ika-apat na grupo na kinabibilangan naman ng mga linguistic certificates: ang CELI1" (Certificato di Lingua Italiana) na ibinibgay ng Università per stranieri di Perugia; ang "CILS A2" (Certificato di Italiano Lingua Straniera- Livello A2) na ibinibigay ng Università per Stranieri di Siena; ang “PLIDA” (Programma Lingua Italiana Dante Alighieri); ang "Certificazione italiano L2" na ibinibigay ng Università degli Studi di Roma 3 at provincial school for adults.
Para sa huling dalawang nabanggit ay kasalukuyang pinag-aaralan ang pagbibigay ng exemption sa pagsusubok sa sibika.
Bilang pagtatapos, walang anumang pagsusulit (wika at sibika) para sa mga regular na mag-aaral sa unibersidad. Sa katunayan, ang mga mag-aaral na ito ay araw-araw na ipinamumuhay ang prinsipyo ng kinakailangang sibika at kultura, sa kanilang
pakikipag-ugnayan sa sosyedad.
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay