Pachetto Sicurezza: magpapahigpit sa paninirahan ng mga dayuhang legal at illegal. Ang mga may kapangyarihan ay magiging mas lalong mahigpit at sila’y handang magkontrol upang hanapin ang mga illegal na dayuhan.
Krimen ang pagiging clandistine, bawal na pagpapakasal kung walang permesso di soggiorno at matagal na paninirahan sa mga Deportation Centers, mas mahal na permit to stay at Italian citizenship. Ito ang mga pagbabago sa batas migrasyon. Mga alituntunin na nakasaad sa pacchetto securezza na inaprubahan at magpapahirap sa buhay ng mga dayuhan legal man o illegal.
Isa sa pinangangambahan ng maraming dayuhan ay ang pagpapatupad sa kabayarang halaga ng renewal at unang issuance ng permesso di soggiorno (permit to stay). Magiging 80 euro hanggang 200 euro diumano ang babayaran ng isang dayuhan kung nais niyang magrenew o mag-aplay ng unang permesso di soggiorno at paglagda sa “accordo di integrazione” o integration agreement. Isang kasunduan upang tiyakin ang pagsunod ng isang dayuhan sa Italian Constitution, ang pakikilahok sa buhay pang-ekonomiya, pang-sosyal at sa kultura ng bansang Italya.
Ang permesso di soggiorno ay ihahalintulad sa isang driver’s license. May puntos na dapat pangalagaan at sa bawat maling pagkilos, babawasan ito ng puntos at kung maubos ang nasabing puntos ay babawiin ang permesso di soggiorno.
Mas mahabang panahon ang kailangan sa pagkakaroon ng italian citizenship kung nagpakasal sa isang italian citizen. Ang dayuhang nagpakasal sa isang italyano ay maaaring mag-aplay ng Italian citizenship matapos ang dalawang taong pagsasama.
Sa mga ginawang pagbabago ang mainit na pinagdebatihan ay ang pagpapakilala ng bawal na pagpasok at ang illegal na paninirahan sa Italya. Paparusahan ang sinumang mahuling walang soggiorno na nagkakahalaga ng limang libo at 10 libong euro. Magkakaroon ng mahigpit na control upang hanapin ang mga dayuhang walang permit. Mas mabilis na pagpapauwi sa bansang pinanggalingan ang isasagawa sa sandaling mapatunayan ang illegal na paninirahan sa bansa sapagkat sila’y agad na ihahatid sa airport kahit wala pang hatol ang hukuman.
Tinanggal naman ang atas magreport ang mga doktor kung may illegal alien na magpapagamot at ang mga punong guro ay walang karapatang magsuplong sa may kapangyarian kung ang mga magulang ng estudyante ay walang permesso di soggiorno.
Ang mga pagbabagong ito ay hindi pa ipinatutupad sapagkat hanggang sa kasalukuyan ang decree at hindi pa ipinapahayag sa Gazzetta Ufficiale o Official Gazzette. (Liza Bueno Magsino)