Inilathala kamakailan ang pagsasa-batas ng Decreto Lavoro. Para sa mga bagong nagtapos ng pag-aaral, sa expiration ng permit to stay para sa pag-aaral ay maaring bigyan ng permesso di soggiorno per attesa occupazione.
Rome – 27 Agosto 2013 – Mula sa mga bagong pagkakataong nakalaan sa mga naghihintay sa Regularization hanggang sa obligasyon na humanap ng worker sa mga walang trabaho sa Italya bago tumawag ng manggagawa buhat sa ibang bansa, hanggang sa programasyon sa tuwing ikatlong taon ng influx para sa training at vocational course at pondo sa pagtanggap sa mga menor de edad na walang magulang.
Ang pagsasa-batas, noong nakaraang Huwebes sa Official Gazette ay kinumpirma ang mga pagbabagong nasasaad sa decreto lavoro (DL 76/2013) ukol sa imigrasyon. At idinagdag din ang isang probisyon upang protektahan ang mga banyagang nagtapos.
Babaguhin din ang influx, dahil bago gawin ang request para sa isang manggagawa buhat sa ibang bansa ay kailangang suriin muna sa pamamagitan ng Centro per l’Impiego “ang availability ng isang worker na nasa bansa at may angkop na dokumentasyon”. Isang patakaran upang proteksyunan ang mga walang trabaho sa Italya.
Ang maximum number of entry para sa mga vocational courses o training o internship sa Italya ay ibibigay tuwing ikatlong taon sa pamamagitan ng isang dekreto buhat sa gobyerno. Gayunpaman, habang hindi pa ito ibinibigay, ang mga Konsulado at Embahada ay maaaring mag-release ng mga entry visa sa sinumang nagtataglay ng mga requirements ng walang limitasyon sa bilang.
Gagamitin din ng "National program protection for unaccompanied foreign minors” ang pondong hindi nagamit na nakalaan sa North Africa Emergency. Isang magandang balita para sa mga Munisipyo na nagsilbing ‘shelter’ na matagal ng humihingi sa pamahalaan na ipagkaloob sa kanila ang pondo.
Ukol naman sa regularization, isang magandang balita rin para sa mga nanganganib na tanggihan o ma-reject dahil sa kakulangan ng mga requirements ng mga employer (hal ang kaukulang sahod) o ang mga employer na umatras matapos isumite ang aplikasyon. Maaari pa ring pagkalooban ng permit to stay per attesa occupazione. Gayun din sa mga natanggal o nawalan ng trabaho bago pa man tawagin ng Sportello Unico per l’Immigrazione.
Sa pagwawakas, isang probisyon ang idinagdag sa pagsasa-batas ng dekreto para sa mga kabataang nagtapos sa Italya, na karamihan ay kabilang sa ikalawang henerasyon. Nasasaad na ang sinumang nagtapos ng tatlong-taong kurso o nag-specialized sa Italya, sa expiration ng permit to stay para sa pag-aaral ay maaaring magpatala ng isang taon sa listahan ng mga walang trabaho, at samakatuwid ay maaaring bigyan ng permesso per attesa occupazione. Na hanggang sa kasalukuyan ay ibinibigay lamang sa mga nag-doctorate o kumuha ng master degree.