Ang regulasyon ng ‘integration agreement’ (o accordo di integrazione) sa pagpapatupad ng tinatawag na ‘Permesso di Soggiorno a punti’ ay ibabalik sa Konseho ng mga ministro. Ito ay nagsasaad ng tungkuling pag-aralan ang wikang italyano at civic education ng mga darating sa Italya.
Rome – Pagkatapos ng ilang buwang katahimikan, ang gobyerno ay muling hinarap ang regulasyon ng ‘integration agreement’ upang ito ay ganap na maipatupad na maaaring maging isang ‘rebolusyon’ para sa mga dayuhan.
Ang kasunduan ay dapat na pirmahan ng mga taong maninirahan sa Italya at ito ay nagbibigay ng ilang obligasyon tulad ng kaalaman sa wikang Italyano at Saligang-batas at makilala din ang iba’t ibang institusyon sa Italya. Ang sinumang hindi susunod sa pinirmahang kasunduan sa loob ng dalawang taong pananatili ay bibigyan lamang ng isa pang taon upang matutunan ang mga ito.
Upang masukat ang antas ng integration ay ipapatupad ang tinatawag na ‘merit-demerit system’. Ang mga puntos ay madadagdagan o tataas sa mga pagkakataong tulad ng pagkakaroon ng isang diploma sa Italya at mababawasan naman kung ang isang dayuhan ay masasangkot sa krimen. Pagsapit sa ‘0’, sa kasamaang palad ay matatanggalan ng permit to stay ang dayuhan.
Ang unang draft ng regulasyon ng integration agreement ay inilunsad ng pamahalaan isang taon na ang nakakaraan. Ngunit isang negatibong opinyon ang ipinahayag ng mga lokal na awtoridad dahil diumano sa posibleng kakulangan ng pondo para sa bagong kasunduan.
Muli, noong Lunes, ang teksto na may iilang pagbabago, ay napasailalim sa isang talakayan bilang paghahanda sa Konseho ng mga ministro sa Biyernes. At maaaring sa loob ng dalawang araw lamang ay makamit na ang final approval ng nasabing kasunduan.