Ang Decree 20/2023, na nagkabisa noong Marso 11, 2023 ay naglalaman ng mga pagbabago sa imigrasyon partikular ang pagpapawalang-bisa sa ‘protezione speciale’ sa dalawang kaso na nasasaad sa artikulo 19 talata 11 ng Legislative Decree 286/98 (Testo Uncio Immigrazione).
Partikular, nasasaad na tatanggalin ang probisyon, na simulang ipinatupad noong 2020, na nagpapahintulot sa pagbibigay ng permesso di soggiorno sa mga kaso kung saan ang pagpapatalsik sa dayuhan ay nagiging paglabag sa pribadong buhay at buhay pamilya ng dayuhan.
Ang pagsusuri sa pagbibigay ng protezione speciale alinsunod sa artikulong ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng antas ng integrasyon sa Italya, ng relasyon sa pamilya, sa lipunan at sa kultura ng country of origin at ang haba ng panahon ng pananatili sa Italya.
Sa bagong batas ay hindi na posibleng mag-aplay ng permesso di soggiorno per protezione speciale.
Gayunpaman, tulad ng nasasaad sa Circular ng March 13, ang mga aplikasyon na isinumite bago ang 13.03.2023 o ang mga aplikasyon kung saan ang mga Questura ay nakapagpadala na ang ‘convocazione’ upang personal na humarap ay hindi sakop ng bagong dekreto.
Samantala, ang mga permesso per protezione speciale na nareleased na ay maaaring i-renew nang isang beses lamang at ang validity ay isang taon. Makalipas ang expiration nito ay maaari lamang itong i-convert sa ibang uri ng permesso di soggiorno, halimbawa para sa motivo di lavoro. (Atty. Federica Merlo)