Ipinatutupad na ang bagong batas ng reporma sa trabaho. Mananatili sa Unemployment list para sa isang taon at sa panahong ito ay makakatanggap ng ilang benepisyo.
Roma – Hulyo 18, 2012 – Ang mga imigrante na nawalan ng trabaho ay may karagdagang panahon upang makahanap ng panibago bago tuluyang mawala ang karapatan ng pananatili sa bansa. Isang lifesaver upang masalba sa irregularities habang lumalala ang kasalukuyang krisis sa ekonomiya, lalong higit sa mga imigrante.
Nasusulat sa “Disposizioni in materia di riforma del mercato del lavoro in una prospettiva di crescita” (Legge 92/2012)”, inilathala noong nakaraang July 3 sa Official Gazzette na sisimulang ipatupad ngayong araw na ito. Bukod dito, ay nagkaroon ng ilang susog sa batas sa imigrasyon (TU) upang bigyang higit na proteksyon ang mga imigrante na nawalan ng trabaho.
Ang sinumang nawalan ng trabaho, dahil sa pagbibitiw o sa pagkakatanggal sa trabaho, ay maaaring manatiling nakatala bilang walang hanapbuhay, at samakatuwid ay maaaring magkaroon ng permit to stay per attesa occupazione ng isang taon (kasalukuyang anim na buwan lamang) at sa panahong nabanggit ay maaaring makatanggap ng mga social safety valves tulad ng cassa integrazione. Matapos ang isang taon, ay maaaring manatili lamang sa Italya ang sinumang makapaghahayag ng mayroong sapat na sahod upang manatili, isang kalkolasyon kung saan maaaring isama maging ang sahod ng mga miyembro ng pamilyang kapisan.
Ang Ministry of Interior ay nagpadala na ng komunikasyon sa mga Questura, upang ipaliwanag ang detalye ng bagong batas.