Sinimulan ang proseso sa pagpapatala sa mga unibersidad, akademya at konserbatoryo sa Italya ng libu-libong mga banyagang mag-aaral. Ang aplikasyon sa Embahada o Konsulado, narito kung paano.
Roma, Abril 13, 2016 – Green light para sa mga banyagang mag-aaral na nais na pumasok sa unibersidad, akademya o konserbatoryo sa Italya.
Ilang araw na ang nakakalipas nang simulan ang pagpapatala mula sa ibang bansa ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga Italian embassies o consulates. Isang paalala! Ang prosesong ito ay nakalaan lamang sa mga naninirahan pa sa sariling bansa dahil ang mga dayuhang mag-aaral na regular ang paninirahan sa Italya, kabilang ang ikalawang henerasyon, tulad ng mga EU students ay maaaring magpatala tulad ng mga Italians.
Ang unang hakbang, para sa freshmen aspirants, ay ang piliin kung alin ang paaralang nais pasukan. Kahit pa may limitasyon ang pagpasok ng mga dayuhang mag-aaral, bawat unibersidad o istitusyon ng Higher Education for Arts, Music and Choreography (AFAM) ay naglaan ng mga angkop na bilang sa bawat kurso.
Matapos ang pagpili, ang dayuhang mag-aaral ay dapat isumite hanggang July 7, 2016 ang pre-registration form sa mga Italian embassy o consulate sa sariling bansa. Ang website ng University Ministry ay aktibo kung saan makikita ang listahan at bilang ng bawat unibersidad, akedemya o konserbatoryo, ang regulasyon para sa preregistration, ang mga petsa at ang mga gagamiting forms.
Sa sandaling makuha ang mga aplikasyon, ang embahada at konsulado ay ipapadala ang mga ito sa mga unibersidad at sa Agosto ay sisimulan ang pagbibigay ng entry visa sa mga mag-aaral. Sa Setyembre ang dating ng mga mag-aaral sa Italya upang sumailalim sa Italian language test at kung quota course ang napili, ang entrance exam. Ang mga papasa ang magpapatuloy sa pag-eenroll at magkaroon ng permit to stay.