Dapat sana ay tatalakayin na kahapon, ngunit parang bulang naglaho sa kalendaryo ng Chamber of Deputies. Bagong mga patakaran sa pagiging italyano, pinaghihintay pa!
Roma – Hunyo 23, 2015 – Ang ilang naghahangad at patuloy na naniniwala ay tila susuko na. Sa kabila ng mga ipinangako, ay nawala na lamang ang reporma ng pagkamamamayan na walang nakaalam at wala man lamang tumanggi.
May ilang naniwala matapos lumabas ang dapat sana’y kalendaryo o agenda ng Chamber na nagsasaad na mula Lunes June 22, ang mga deputees ay haharapin ang “Panukala bilang 9 at ang Susug sa batas noong Pebrero 5, 1992 bilang 91, na magtataglay ng mga bagong alituntunin sa citizenship”. Nasasaad rin ang pagpapatuloy nito hanggang hatinggabi hanggang umabot sa final voting ng June 26.
Ngunit sa kabila ng kahilingan ng karamihan ng mga Italyano at ng lahat ng mga nagnanais maging italyano (kabilang ang isang milyong anak ng mga imigrante), ang Chamber ay nag-iba ng agenda at hindi na ito ang tatalakayin. Sa bagong kalendaryo, na inilathala kamakailan, ay makikitang nakasulat ang batas sa paninirang-puri, isang motion ukol sa pagbibitiw ni Undersecretary Castiglione, ang ukol sa parusa sa Russia at isang interrogation ukol sa mga biktima ng excess uranium na ginamit sa paggawa ng mga bala ng malalakas na armas.
Bukod dito, ay hindi kapani-paniwala na matutuloy ito dahil ang reporma sa citizenship ay dalawang taon na ring naka-pending sa Constitutional Affairs Committee, na hindi naman binibigyang pansin ang 22 panukala sa reporma ng pagkamamamayan mula noong nakaraang Setyembre at hinayaan lamang itong naka-pending: Paano magkakaroon ng unified document na ilalahad sa Montecitorio?
Samantala, summer na naman at papalapit na ang summer vacation. Ang kalendaryo sa Hulyo ay hindi pa inilalathala, marahil ay muling lalabas ang isang pangako, ngunit sa pagkakataong ito ay siguradong wala ng maniniwala.