Nakapasok na sa Parliyamento ang unified document: Italyano ang sinumang ipinanganak o dumating sa Italya ng bata pa. “Maipapasa natin ito, ang Italya ay hindi takot sa citizenship ng mga bata”, Fabbri.
Rome – Hulyo 29, 2015 – Awtomatikong Italyano ang mga batang ipinanganak sa Italya na ang magulang ay regular na residente sa Italya ng hindi bababa sa limang (5) taon. Ang mga ipinanganak na ang magulang ay walang limang (5) taong regular na residensya o ang mga batang ipinanganak sa labas ng bansa ngunit dumating sa Italya ng mas bata sa labindalawang (12) taong gulang, ay magiging mamamayang Italyano matapos ang pumasok sa paaralan ng limang (5) taon.
Ito ang mga pangunahing puntos (o ang “puso” ayon kay rapporteur Marilena Fabbri, PD) ng unified document ng reporma sa pagkamamamayan na isinumite kahapon sa Committee of Constitutional Affairs sa Kamara. Ang teksto ay ang pinag-samang ““ius soli temperato” at “ius culturae”. Ito ay tatalakayin at pagdi-diskusyunan (at babaguhin) sa komite at pagkatapos ay dadalhin sa Kamara.
Ang mga magulang ang maga-aplay para sa pagkamamamayan ng kanilang mga anak na may “pahayag ng pagnanais” (o dichiarazione di volontà). Kung ito ay hindi gagawin, ang paga-aplay ay malilipat sa anak na mayroon lamang dalawang (2) taon makalipas ang pagsapit ng ika-18 taong gulang para mag-aplay. Kaugnay nito, ang sinumang naging Italyano sa pagnanais ng magulang, sa pagitan ng 18 hanggang 20 taong gulang ay maaaring magtanggal naman ng Italian citizenship. Ang citizenship ng anak ay hindi nagbibigay karapatan sa pagiging Italyano ng mga magulang.
Sinikap rin ng teksto na mapagaan ang proseso sa mga kabataang mas malaki na, o ang mga dumating sa Italya “bago mag-18 anyos”. Maaari lamang mag-aplay ng citizenship (ngunit sa kasong ito ay isang “concession”) makalipas ang anim (6) na taon ng regular na paninirahan sa Italya, kung papasok lamang sa paaralan ng isang cycle (ciclo scolastico) at magkakaroon ng diploma o isang vocational course at magkakaroon ng vocational qualification. “
Sa ngayon ay nananatiling wala sa reporma ang naturalization ng mga may edad, na kasalukuyang naghihintay ng sampung (10) taon ng regular na paninirahan bago makapag-sumite ng aplikasyon. Ito ang naging desisyon upang makakuha ng mas malaking bilang o consensus sa Parliyamento, kung saan ang centreright ay nagpakita ng interes para sa mga menor de edad lamang. Gayunpaman, hindi maiaalis na ang mga ito ay matalakay rin sa Parliyamento.
“Ako ay kumbinsido na ang panukalang ito ay magtatagumpay, matapos ang mga posibleng magandang pagbabago na lalabas sa pagtalakay sa panukala sa komite sa Setyembre at sa Kamara ilang linggo pagkatapos”, ayon kay Marilena Fabbri. Ang komunidad na araw araw na namumuhay kasama ang mga pamilya ng mga imigrante, hindi lamang regular ang paninirahan sa bansa, kundi ipinapasok sa paaralan ang kanilang mga anak at namumuhay kasama tayo at sa kasalukuyan ay walang takot ang Italya sa pagbibigay ng citizenship sa mga kabataan, sila na lumalaking ang pakiramdam ay tunay na mga Italyano”.
Ang diskusyon sa reporma ang magpapakita kung tunay ang mga nabanggit. Samantala, si Annagrazia Calabria, ng Forza Italia ay ipina-alam ang kanyang hindi pagsang-ayon dito. “Para sa amin, may mga bagay na hindi matatawaran, ito ay ang paggalang, pagtatanggol at ang pagmamalaki sa identidad ng Italya”, paliwanag ni Calabria at sinabing ang teksto ay hindi gumagalang sa alinmang prinsipyong ito.“