Pagkatapos ng mahaba at masalimuot na pagkakasundo at pagtatalaga ay nanumpa noong nakaraang Hunyo 1, 2018, ganap na alas 4 ng hapon, ang bagong gobyerno sa pamumuno ni Prime Minister Giuseppe Conte.
Ang Ministry of Interior, tulad na tahasang inihayag ng leader ng Lega na si Matteo Salvini, ay kanyang pamumunuan. Si Salvini rin ang bise-presidente ng Konseho.
Sa katunayan, sa mga oras na ito ay maraming nababahala dahil sa ipinangakong direksyong tatahakin ni Salvini at ang tila kamay na bakal na ipapataw sa migrasyon.
Sa kabilang banda naman, marami rin ang nag-iisip na kinakailangan ang pagpapatuapd ng programang ito ni Salvini, dahil hanggang sa kasalukuyan, ang seguridad at imigrasyon ay hindi napatakbo ng nararapat ng mga nakaraang gobyerno.
Kaugnay nito, sa huling bersyon ng contratto di governo sa pagitan ng Lega at M5S ay makikitang nasasaad ang mga priyoridad ni Salvini bilang ministro ng Interior at kung anu-ano ang kanyang intensyon biang leader ng Lega sa kanyang pag-upo sa Viminale.
Imigrasyon
Sa contratto di governo ay nagsasaad ang paglilikha ng mga sentro na magsisilbing piitan ng mga hindi regular o iligal na imigrante. Tinatayang aabot sa halos 500,000 katao ang mga iligal ayon sa M5S at Lega.
Ang mga sentro ay gagawin sa mga pangunahing rehiyon at layunin nitong bilisan, bukod pa sa dagdagan ang expulsion.
Nasasaad din sa contratto di governo ang mga aplikasyon ng asylum seeker ay kailangang gawin at suriin sa mga country of origin at country of transit (at samakatwid hindi sa Italya) sa mga pasilidad na masisiguro ang proteksyon ng karapatang pantao.
Sinusundan ito ang pagpa-follow up sa pagpirma ng mga bilateral agreement sa mga countries of transit at countries of origin ng mga asylum seeker upang mapabilis ang proseso ng repatriation.
Nais din ni Salvini ang suriin ang proseso ng family reunification o ricongiungimento familiare at ang mga social benefits na tinatanggap ng mga migrante upang maiwasan ang mga hindi totoong sitwasyon at magamit ang public fund ng patas batay sa kakayahang pinansyal ng bansa.
Bukod sa mga nabanggit ay nais ding rebisahin ni Salvini ang Dublin regulations, sa pamamagitan ng pagpapatupad sa prinsipyo ng patas na pamamahagi ng mga asylum seeker sa mga bansang ng EU.
Bukod sa mga nabanggit ay nais din ni Salvini na tukuyin ang mga krimen, na sakaling gawin ng mga asylum seeker at magdudulot ng mabilisang pagpapatalsik mula sa bansa.
Relasyon sa ibang relihiyon
Nais ni Salvini na lumikha ng isang rehistro o listahan ng mga relihiyon, lugar ng mga pagsamba at lalong higit ang traceability ng mga pondo sa pagtatayo ng mga moske. Nais din ng leader ng Lega na magbigay ng mga angkop na dahilan ng pagsasara ng lahat ng radikal na mga asosasyon ng Islam at mga moske at mga lugar ng pagsamba na walang sapat na awtorisasyon.
Seguridad
Nilalaman ng contratto di governo ang higit na pondo at mas maraming kagamitan para sa awtoridad na nagpapatupad ng batas, pati na rin ang pagdadagdag ng mga bagong tauhan.
Ito ay upang tugisin ang sugal, ang droga, pabilisin ang pagpapalayas sa mga squaters o iligal na okupasyon ng ilang istruktura. Nasasaad sa contratto di governo na ang “kahirapan ay hindi sapat na dahilan upang tirahan ang anumang lugar ng iligal”. Bukod dito, nasasaad na “ang mga undocumented na nanuluyan ng iligal ay papatalsikin”.
Sa pagtatapos, nais ni Salvini na isara, sa lalong madaling panahon, ang lahat ng mga hindi regular na campo Rom na hahantong din sa pagsasara kahit ng mga regular.