Mula sa Viminale, kumpirmado na patuloy ang usaping gawing regular ang mga dayuhang undocumented na mayroong trabaho.
Ito ang isinawalat kamakailan ni Minister of Interior Luciana Lamorgese sa kanyang pagsagot sa question time sa Camera ukol sa regularization ng mga dayuhang undocumented, na nasa Italya na.
“Hangad ng gobyerno at ng Ministry of Interior na suriin at pag-aralan ang kwestyon na nasasaad sa agenda, na kabuuan ng isang kumplikadong rebisyon ng iba’t ibang disposisyon na nakaka-apekto sa politika ng migrasyon, pati na rin sa kundisyon ng mga dayuhan sa Italya”.
Bukod dito, sa pagsagot ng Ministra kay Riccardo Magi (+Europa) sa nasabing question time ay inanunsyo nito ang intensyon ng gobyerno at pinag-aaralan ang isang ‘provvedimento straordinario’ upang gawing regular ang mga undocumented na nasa Italya na, sa pagkakaroon agad ng mga ito ng employment contract.
Ipinaalala rin ng Ministro na tinanggap ang agenda noong nakaraang December 23, sa araw na inaprubahan ang Legge di Bilancio, at nagsusumikap ang Gobyerno sa pagsusuri at pag-aaral sa pagbibigay ng isang batas na magpapahintulot na magre-regular sa sitwasyon ng mga dayuhang walang permit to stay na nasa bansa na, na may trabaho at sa araw na pirmahan ang employment contract ay magbabayad ng isang halagang ang employer upang tuluyan matanggap ang permit to stay ng dayuhan. (stranieriinitalia.it)