Ang limitadong paggamit sa self-certification ng mga dayuhan sa Italya ay patuloy. Maaari lamang gamitin ito upang patunayan halimbawa ang residence at family composition, ngunit hindi maaaring gamitin sa ibang kundisyong sumasaklaw sa mga partikular na sitwasyon ng mga dayuhan.
Roma, Disyembre 28, 2015 – Tila habambuhay na ang pag-pila ng mga imigrante. Habang ang buong bansang Italya ay nagsusumikap para sa semplification ng maraming bagay, ang mga imigrante naman ay magpapatuloy magpabalik-balik sa mga tanggapang publiko. At ito ay magpapatuloy hanggang 2016.
“The never ending story“, ika nga ng isang pelikula. Ganito rin ang pangakong napapako taun-taon sa karapatang hindi lubusang ipinagkakaloob sa mga dayuhan.
Matatandaang nagsimula ito taong 2012 nang italaga ng batas na ang mga tanggapang publiko ay hindi na maaaring humingi o mag-isyu ng mga sertipiko na gagamitn sa ibang tanggapang publiko. At sinimulan ang paggamit sa tinatawag na self certification o autocertificazione, sa tuwing ang public administration ay masusuri ang katotohanan ng mga nasasaad na impormasyon.
Ngunit isang exception para sa mga “partikular na probisyon sa batas at regulasyon ukol sa imigrasyon at katayuan ng mga dayuhan.” Nangangahulugan na ang isang dayuhang mamamayan sa Italya ay maaaring gumamit ng self-certification upang patunayan ang residence (residenza) at family composition (stato di famiglia), ngunit hindi ito maaaring gamitin sa ibang kundisyong sumasaklaw sa mga partikular na sitwasyon ng mga dayuhan. Halimbawa: Nawalan ng trabaho at kailangang mag-aplay ng permesso di soggiorno per attesa occupazione? Kakailanganin ang sertipiko buhat sa Centro per l’Impiego. Kailangan ang renewal ng permesso di soggiorno per studio? Kakailanganin ang listahan ng mga pasadong exams buhat sa unibersidad. Mag-aaplay ng carta di soggiorno? Kakailanganin ang casellario giudiziale (no criminal record certificate) e carichi pendenti (no pending case certificate)
Pansamantala lamang sana ang exception na nabanggit. Hanggang Jan 1, 2013, tulad ng mababasa sa batas. Panahong kinakailangan upang i-connect ang mga database ng mga tanggapan tulad ng Questure, Centri per l’Impiego, University at mga korte upang ganap na masuri ang self-certification ng mga dayuhan. Ngunit ang exception na ito ay nagtuluy-tuloy. Sa simula ay anim na buwan, naging isang taon, naging taun-taon. Ang pinakahuling extension sa exception ay hanggang Disyembre 31, 2015. At dapat sanay magsisimula na ang ganap na pagpapatupad nito sa simula ng taong 2016. Hindi! Dahil kamakailan ay inaprubahan ng Council of Ministers ang decreto milleproroghe kung saan nasasaad ang muling extension nito hanggang sa Dec 31, 2016 habang inaasam ang pagtatanggal ng batas sa exception na ito kung saan ang mga non-EU nationals na regular na naninirahan sa Italya ay maaaring ganap na gumamit ng self-certification.