Itinanggi ng Ministry of Labor ang kumalat na balita sa web. “Ang extension ng social card sa Timog ay kasalukuyan pa ring tinatapos”.
Rome – Enero 28, 2015 – Ito ang balitang nagtutuwid sa una ng kumalat na balita sa web matapos kumpirmahin ng gobyerno ang pagkakaroon sa taong 2015 ng social card sperimentale o social card disoccupati, isang tulong pinansyal para sa mga pamilyang higit na nangangailangan na may isang miyembro na maituturing na bahagi pa ng ‘età attiva’, ngunit walang trabaho.
Ito ay isang uri ng prepaid o debit card na ang estado ang naglalagay ng 400 euro kada buwan. Ito ay para rin sa mga imigrante na mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno. Ngunit ito ay maibibigay lamang sa 12 pinaka malalaking lungsod at marahil pati sa South Italy.
Sa kasalukuyan, ito ay nangangailangan pa ng kaunting panahon. “Hindi pa posibleng mag-aplay” paglilinaw kamakailan sa pamamagitan ng isang note ng Minstry of Labor at Social Policies at itinanggi ang kumakalat na balita sa web na nagtulak sa marami upang magtungo ng mga post offices upang mag-aplay.
"Maraming mga website – paalala ng Ministry – ang nagpakalat ng balita na sa lahat ng mga munisipalidad ng walong rehiyon ng Timog Italya, tulad ng Sardinia, Sicily, Calabria, Basilicata, Puglia, Abruzzo at Molise, Campania at sa 12 mga pangunahing lungsod tulad ng Bari, Bologna, Catania, Florence, Genoa, Milan, Naples, Palermo, Rome, Turin, Venice at Verona, kung saan unang sisimulan ang bagong social card, ay maaari ng mag-aplay.
Ang ilang website ay naglathala rin ng “dokumento na ipi-print at dadalhin sa mga post offices”. Ang mga ito – pagpapatuloy pa sa note, “ay hindi balido dahil ang aplikasyon ay pwede lamang gamitin sa 12 pangunahing lungsod ng Italya”.
Bukod dito, nilinaw ng Ministry of Labor at Social Policies na “sa kasalukuyan ang extension ng social card sa Timog sa tinatapos pa at dahil dito ay hindi pa pwedeng mag-aplay at magsumite ng aplikasyon”.