Maging sa teksto na isinulong sa Parliament ukol sa tulong para sa mahihirap na mga bata at mga senior citizens ay nakalaan rin sa mga dayuhang nagtataglay ng EC long term residence permit o ng kilalang carta di soggiorno. Salamat muli, sa European directive.
Rome – Oktubre 21, 2013 – Kumpirmado ang pagkakaloob ng social card maging sa mga imigrante, kung mayroong carta di soggiorno.
Ang magandang pagbabago, tulad ng ibinalita ng Ako ay Pilipino kamakailan, ay tinataglay na sa previous draft ng legge di stabilità 2014, at mababasa rin sa teksto na sisimulan bukas sa Senado. Gayunpaman, kailangang hintayin pa rin ang final reading sa Parliyamento bago tuluyang ipatupad ang magandang balita.
Ang social card, o carta d’acquisti, ay tulad ng isang prepaid credit card, na maaaring gamitin sa pagbili ng mga mahahalagang pangangailangan tulad ng pagkain o gamot at maging pambayad sa bills tulad ng ilaw at gas. Ang estado ay naglalaan ng 80 € kada ikalawang buwan .
Ang benepisyo ay nakalaan sa mga may edad na hindi lalampas ng 3 taong gulang (sa ganitong kaso, ang owner ay ang magulang) at sa mga senior citizens (over 65) na higit na nangangailangan. Sa parehong beneficiaries, sa katunayan, ay kinakailangan ang ISEE o indicatore di Situazione Economica Equivalente, na hindi lalampas sa 6,700.00 euros yearly.
Hanggang sa kasalukuyan, ang social card ay nakalaan lamang sa mga italian citizens. Sa ddl ng legge di stabilità 2014, ay nilalawakan ang kategorya ng makikinabang ng benepisyo at inilalaan rin ito maging sa mga EU at non-EU nationals na nagtataglay ng carta di soggiorno.
Ang pagdami sa bilang ng mga nakikinabang ay pagtaas rin sa kinakailangang pondo ng Estado. Upang mapunan ang bagong panukala ay naglalaan para sa taong 2014 ng 250,000 euros.
Muli, sa pagkakataong ito ay kinakailangang pasalamatan ng mga imigrante ang Europa .
Ang naging desisyon ng gobyerno, gayunpaman, sa katunayan ay hindi isang kabutihan bagkus ay isang paraan upang malampasan ang kaukulang hatol ng hindi pagsunod ng bansang Italya sa Brussels. Sa pagkakataong ito, ang pinag-uusapan ay ang directive 2003/109/EC, kung saan nasasaad na ang mga carta di soggiorno holders ay may parehong karapatan tulad ng mga Italians kung panlipunang benepisyo ang pag-uusapan.