Magmula sa katapusan ng Setyembre, ang mga Police Department o kilala bilang Questura ay magpapadala ng mensahe o text message sa mga dayuhan ng appointment para sa releasing ng electronic document. Ang pilot project na ito ay inilunsad kamakailan lamang sa tatlong probinsya at ipatutupad na rin sa buong bansa.
Rome – Sa lalong madaling panahon, isang text message ang magiging solusyon sa mga problema ng komunikasyon sa pagitan ng punong-himpilan ng pulis at mga migrante. Ito ay upang ipaalam sa lahat ng dayuhan na ang kanilang electronic permit to stay ay handa na for releasing.
Noong Hunyo ay nagsimula ang eksperimentong ito sa lalawigan ng Ancona, Perugia at Messina. Mula sa Sept 27 naman ang maliit na rebolusyong ito ay ipatutupad na rin sa lahat ng parte ng Italya. Darating sa Questura ang electronic document ng dayuhan matapos itong maihanda, at sa pamamagitan ng isang programa, isang komunikasyon naman o text message sa numero ng mobile phone ng dayuhan ang darating taglay ang petsa, ang lugar at ang instruction na dapat gawin nito.
Sa ngayon upang malaman kung ang permit to stay ay handa na, dapat bisitahin ang website ng Polizia di Stato at ipasok ang code ng aplikasyon para sa renewal. Ang kakulangan ng ibang uri ng komunikasyon ay lumikha ng mga problema lalo na si hindi marunong gumamit ng computer o internet. Ngunit dahil sa panahon ngayon, lahat ng mamamayan ay gumagamit ng mobile phone, ang isang text message diretso sa mobile phone ng dayuhan ang solusyon sa naging problema ng computer at internet.
Ang Ministry of Interior ay inabisuhan ang mga Police Department, at hiniling na maging maingat sa pagkuha at paglagay ng mobile number ng mga dayuhan sa mga aplikasyon ng renewal at first issuance ng mga permit to stay. Nais ding malaman ng Ministry buhat sa mga Questura ang bilang ng mga dayuhan na kayang asistihan sa bawat araw upang maging maayos ang organisasyon ng mga appointments nito.