Isa sa mga bagong hakbang ng gobyerno ni Meloni ay ang pagpapalawig o pagpapahaba sa validity ng ilang uri ng permesso di soggiorno sa tatlong (3) taon.
Sa kasalukuyan, ang permesso di soggiorno per lavoro na balido ng isang taon (renewable) ay ibinibigay sa pagkakaroon ng contratto di lavoro a tempo determinato. Samantala, balido naman ng 2 taon at renewable ang permesso di soggiorno per lavoro sa pagkakaroon ng contratto di lavoro subordinato a tempo indeterminato at ng sapat na sahod. Ang inaprubahang decreto Curto, ay nagbigay susog sa TU Immigrazione, kabilang na dito ang bagong validity ng ilang uri ng permesso di soggiorno.
Ang Decreto Legge ng March 10, 2023 bilang 20 ay nagkaroong bisa ng March 11, 2023 at inilathala sa Official Gazette Serie Generale 59 noong March 10, 2023.
Ito ay nangangahulugan na sa panahon ng renewal ng permesso di soggiorno ay posibleng mag-release na ang Questura ng mga permesso di soggiorno na may 3 taong validity ng mga sumusunod na uri ng permesso di soggiorno:
- Permesso di soggiorno per lavoro a tempo indeterminato;
- Permesso di soggiorno per lavoro autonomo;
- Permesso di soggiorno per ricongiungimento familiare.
Bukod dito, binigyang susog din ang validity ng permesso di soggiorno per protezione speciale. Sa katunayan, ang renewal ng nabanggit na dokumento ay isang beses na lamang at hindi na dalawang taon ang validity nito bagkus ay isang taon na lamang.
Samantala, walang pagbabago sa mga bayarin at kontribusyon ng issuance at renewal ng mga permesso di soggiorno. (PGA)
Basahin din:
- Pagbabago sa validity ng mga Permesso di Soggiorno at Decreto flussi, nilalaman ng bagong Decreto Legge
- Permesso di Soggiorno per Protezione Speciale, ang pagbabagong hatid ng Decreto ‘Cutro’