Para sa taong 2021, ang karangalang ito ay iginawad ng Norwegian Nobel Committee kina MARIA RESSA ng bansa nating Pilipinas at DMITRY MURATOV ng Rusya.
Ano ba ang NOBEL PEACE PRIZE?
Ito ay ang karangalang iginagawad sa mga personaheng nagbigay ng malaking kontribusyon sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa pamamagitan ng larangang kanilang kinabibilangan.
Si ALFRED BERNHARD NOBEL (21 October 1833 – 10 December 1896), ay isang Swedish na imbentor, kimiko, inhinyero, negosyante at pilantropo, na nag-iwan ng kanyang malaking kayamanan para matustusan ang NOBEL PRIZE Institution. Ito ang pumipili at naggagawad sa mga personaheng naging katangi-tangi sa kani-kanilang mga larangan. Nakabilang na dito sina Nelson Mandela, Barack Obama, Dalai Lama, Malala Yousafzai, pati na ang United Nations at ang World Food Programme.
Ipinagkaloob ito kina Maria Ressa at Dmitry Muratov dahil sa pagsisikap nilang mabantayan ang kalayaan sa pamamahayag, na isa ring daan para sa demokrasya at pangmatagalang kapayapaan. Si Ressa ay kinatawan ang Pilipinas samantalang si Muratov ay mula sa Russia. Sila ang mga mga mamamahayag ng kasalukuyang panahon na nagtataguyod sa pagsusulong nito sa kani-kanilang bansa.
Sa sitwasyon sa Pilipinas, nagsikap si Maria Ressa na isiwalat ang mga pang-aabuso sa kapangyarihan, ang paggamit ng karahasan sa pagsugpo sa malaganap na krimen kaugnay sa droga at ang namamayaning autoritaryanismo na pamamahala sa bansa. Noong 2012 ay naitatag nila ang RAPPLER, isang digital media company para sa investigative journalism. Naging matapang siya sa pagsisiwalat ng mga tunay na kagananapan sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno. Walang takot niyang kinaharap, kasama ang iba pang mga mamamahayag sa Rappler , ang mabigyan ng pagsusuri ang isinagawang kampanya laban sa droga, na kilala sa taguring Tokhang, pati na rin ang papel ng media sa paglalahad ng mga balita at dokumentaryo na nakabase sa masusing pag-iimbestiga at sa katotohanang nagaganap sa lipunan.
Samanatala, si Dmitry Muratov naman, sa loob ng maraming taon ay naging tagasulong na ng kalayaan sa pamamahayag at pagsasalita sa Russia. Mayroon din silang itinatag na pahayagan, ang NOVAJA GAZETA noong 1993. Ang pahayagang ito ang itinuturing na pinaka-maaasahang independyenteng pahayagan sa Russia dahil sa kritikal at pundamental na mga nilalaman nito lalo at ukol sa abuso sa kapangyarihan, korupsyon, mga pandaraya sa halalan, at iba pa. Ito rin ang pahayagang kinukunsulta ng karamihan kapag ukol sa mga mahahalagang usapin, opinyon at isyung panlipunan.
Silang dalawa, kasama ang mga bumubuo ng kani-kanilang pahayagan, ay patuloy sa adbokasiya ng malayang pamamahayag na base sa propesyonal at etikal na pagsusulat at pagbabalita. Ito ay sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay, panggigipit , mga demanda at mga akusasyon mula sa kanilang kritiko.
Ang Norwegian Nobel Committee ay kumbinsido sa isinulong nilang malaya, independyente at pagpapahayag na nakasandig sa katotohanan. Ang hangaring ito na makapagpalaganap ng mga impormasyon sa publiko ay mahalagang salik para sa pagkakaroon ng demokrasya at proteksiyon na rin sa kapayapaan. Kung walang kalayaan sa pagpapahayag at pagsasalita, mahirap magtagumpay ang paghahangad ng kapayapaan sa pagitan ng mga mamamayan at mga bansa.
Kaya mapalad ang mundo ng pamamahayag at napili sina MARIA RESSA at DMITRY MURATOV, upang siyang tumanggap ng GAWAD NOBEL PARA SA KAPAYAPAAN ngayong taong 2021. (Dittz Centeno-De Jesus)