Sumulat ang 60 Presidente at mga opisyla ng Pederasyon at Samahan mula sa iba’t ibang Syudad at Probinsya ng Italya sa DOLE at OWWA. Ang nagkakaisang pahayag ay naglalaman ng pagpuna sa nilalaman ng programang DOLE-OWWA-AKAP para sa mga OFW na pirmado ni Kalihim Silvestro Bello ng DOLE at Administrator Hans Cacdac ng OWWA. Kalakip ng sulat ang 10 puntong rekomendasyon.
Kabilang ang mga OFW sa Italya sa listahan ng prayoridad na makakatanggap ng 200 dolyar na tulong. Subalit ayon sa Task Force Covid19, hindi naisaalang-alang ang partikularidad ng Italya mula sa ibang OFW sa Medio Oriente at sa Asya. Batay mismo sa Job Displacement Data ng POLO-OWWA Milan, nakapagrehistro na sila ng 5,740 na pansamantala at permanenteng nawalan ng trabaho. Kumpara sa mahigit 800 indibidwal at pamilya sa nakalap naman ng Task Force Covid19 sa buong Italya sa 10 araw na survey. Wala naman nakapaskil sa website ng POLO-OWWA Rome.
Matagal na sinasabi na ang mga manggagawang Pilipino sa Italya ay naka kontrata lamang sa pinapasukan nilang trabaho at di dumadaan ng Ahensya ng rekrutment. Laganap ang praktis ng mga employer na hindi irehistro sa ahensya ng paggawa at ng INPS. Tinatanggap ito ng mga OFW dahil sa kawalan ng trabaho at mahigpit na kompetisyon sa ibang lahi maging sa kapwa Pilipino.
Ang pinansyal na tulong bagamat maliit ay pwede sanang pantakip sa tumitinding kagipitan dulot ng kawalan ng trabaho. Subalit sinagkaan ng patnubay na hindi umaayon sa kalagayan ng mga OFW sa Italya. Sa pag-aaral ng Task Force Covid19, lumalabas na mayroon itong rekisitos na salungat sa intensyon sa sinasabi ng programa. Nakatuon lamang sa mga miyembro ng OWWA at mga dokumentado. May pasubali na bigyan ang mga undocumented pero kinakailangan kumuha ng katibayan na siya ay natanggal, suspendido dulot ng outbreak. Bagay na hindi madaling hingin sa mga employer ng Italyano. Problema din malaki ito ng mga informal worker o mga self employed.
Habang sinusulat ang ulat na ito, ay nananatiling hindi malinaw ang gabay na makikita sa POLO-OWWA kapwa ng Roma at Milan kung paano makakapag-aplay online ang mga manggagawang Pilipino na umaasa sa pinansyal na ayuda at nananatiling maramingmga katanunagn. Naghapag naman ang Task Force Covid19 ng 10 puntong rekomendasyon sa pamunuan ng DOLE-OWWA sa Pilipinas.
Narito ang kanilang rekomendasyon:
- Minumungkahi na tanggapin sa pagbubukas ng submisyon ng aplikante maging ang mga hindi nakapagpalista sa Job Displacement Survey na isinagawa ng Ahensya ng Polo at OWWA sa Milan at Roma;
- Inaasahan na gawing mas maluwag ang hinihinging rekisitos na kinakailangan tulad ng mga dokumentong pagkakakilanlan, pasaporte o soggiorno;
- Ikonsidera na hindi lang one time assistance bagkus ito ay ibabatay sa tagal ng lockdown;
- Mabilis at masinop na pagpapadala ng assistance sa pamamagitan ng bangko o postapay;
- Mablis at madaling unawain na paraan ng pagpapadala ng aplikasyon sa pamamagitan ng online;
- Isangkot ang mga samahan sa pagpapaplano sa pamamagitan ng video conference;
- Sikapin na lahat ng mga Ofws ay makatanggap ng tulong sa mabilis na paraan;
- Gawin 300 dolyar ang tulong pinansyal sa mga kasapi ng OWWA at 200 dolyar naman sa mga hindi kasapi;
- Alisin ang “firsr come first serve” na patakaran para sa aplikasyon ng tulong pinansyal;
- Ituring na balido ang sapi sa OWWA mula sa Marso-Mayo 2020 sa mga hindi nakapag-renew ng membership sa OWWA dahil sa lockdown.
- Mahalaga na kilalanin ng ahensya ang “auticertificazione”, para sa mga di-dokumentado, nakapaloob sa no work, no pay na iskema, informal worker o mga kahalintulad na katayuan sa trabaho.
Pinatagal pa hanggang Mayo 3, 2020 ang lockdown sa buong Italya. Marami ang nag-aalala na kung hindi magbabago ang sitwasyon, mahihirapan ng makabawi ang mga employer sa maiksing panahon. Kung gayon higit na tatamaan ang krisis ang mga umaasa sa buwanang sahod. (ni: Ibarra Banaag)