in

Gaano kahalaga ang 200 dolyar tulong pinansyal ng DOLE?

Pinag-aralan ng Ako ay Pilipino kung ano ang magiging ambag ng 200 dolyar na tulong pinansyal ng DOLE. Saan ang pwesto nito sa panahon ng Outbreak? Hanggang saan ang maabot ng halaga? Ito ay sa kabila na laganap ang mga food packs na ipinamimigay ng Caritas, Red Cross, Asosasyong Boluntaryato at mga Samahan ng Pilipino sa Italya. 

Sa isang malaking syudad tulad ng Roma na may mahigit 50 libong Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho, sapat na ba ang foodpack na galing sa mga Institusyon Umanitaryo? 

Sa inisyal na pag-aaral at batay na rin sa mga lumabas na kautusan mula ng ibaba ang lockdown, may mga mahahalagang salik kung bakit nakikita ang halaga ng 200 dolyar na tulong. Halimbawa nito ang upa at hulog sa biniling bahay ng mga Pilipino. Sinabi ng Gobyerno na tanging moratorium o pansamantalang di pagsingil sa mga pamilyang nangungupahan o may mutuo ang ipapatupad sa panahon ng Outbreak. Gayundin ang pagbabayad ng konsumo sa tubig, kuryente at gas. Samantalang wala naman pansamantalang pagpapahinto sa pagbabayad ng buwis sa basura, road users tax. Kaya siguradong maiipon lamang ang mga bayarin at hindi nawala ang obligasyon na bayaran ang mga ito. 

Bagamat may garantiya na walang mangayayaring tanggalan sa panahon ng outbreak, sinabi naman ni Primo Ministro Conte na sadyang malalim at malawak ang epekto nito sa ekonomiya. Kaya tiyak na may domino effect ito sa empleyo ng mga managagawa lalo na ang mga migrante na nasa laylayan ng sektor sa paggawa. 

Sa pamilihan, makikita ang bahagyang pagtaas ng presyo ng bilihin. Bumaba naman ng ilang sentimo ang halaga ng gasolina. Nasa listahan pa rin ng mga Pilipino ang mga bayarin sa iskwela, asilo nido, koneksyon sa internet, maintenance ng kotse at motor, tiket sa bus at tren at gatas ng mga bata. Idagdag pa sa laman ng isip ang pagpapadala ng pera sa Pilipinas na marami ang pansamantalang tumigil. 

Narito ang halimbawa ng tatlong pamilya mula sa Sesto Fiorentino, Firenze at Roma kung paano at saan nila ginugugol ang kanilang buwanang sahod. 

Sa tuos na ipinakita, lumalabas na mas may natitira na 632.00 euro sa exhibit A pamilya na walang anak. Samantalang maliit naman 100.00 euro ang ipinapadala niya sa Pilipinas buwan buwan. Kita ang buwanan upa sa bahay 550.00 euro sa isang syudad na hindi mahala ang upa tulad ng Roma at Milano. 

Sa ating exhibit B, isang pamilya na may 3 anak 137.50 euro lamang ang natitira sa 2,600 euro na pinagsamang buwanan na sahod. Halos kalahati ang nauuwi sa upa sa bahay 1,000 euro at malaki naman ang padala 650.00 sa Pilipinas. 

Sa ating Exhibit K, malaki din ang gastos sa upa sa bahay, buwanan matrikula at ang batayang pangangailangan sa pagkain. May natitira lamang na 160 euro sa 2,400 na kita ng 2 katao.

Exhibit B at K ang pinakamarami sa Italya ang magkakasama ang Pamilya sa isang bahay. Kakaunti lamang mag asawa na 2 na walang anak o kapamilya. Ang ilan ay nasa Pilipinas naman ang mga anak at doon nag-aaral. 

Kung susuriin natin mabuti , hindi kasama sa listahan ng mga gastos ang kasuotan at iba pang gamit sa katawan, hindi rin kabilang ang di inaasahan mga gastos tulad ng pagkakasakit , maging ang pamamasyal, mga espesyal at emergency na request ng kapamilya sa Pilipinas , kung may pinapaaral na anak, binagyo na palayan, bubong na nasira at makina na gamit pang hanapbuhay. 

Wala din ang mga binabayaran sa mga lending company at bangko. Mga OFW na nangutang para makapagpatayo ng bahay, magsimula ng maliit na negosyo, bumili ng condo unit, at iba pa na pinaglaanan sa Pilipinas. 

Batay sa kwento ng mga Pilipino na nakaranas na ng Cassa Integrazione at Disoccupazione, hindi 100% ang natatangap nila kahit sa unang mga buwan at taon na sila ay nakapaloob sa 2 sistema na nabanggit. Sa kanilang tanyya, bagamat wala tayong malinaw na formula kung paano ito kinukwenta ng INPS, 80% lamang ang kanilang natatanggap. Gamit ang metodo na, sahod vs aktwal na halaga na galing sa INPS. Kung gayon, tama lamang sabihin na ito ay isang tulong pinansyal sa isang pagkakataon na ang buwanan sahod ay buwanan din nauubos. Pangtapal lamang ito sa isang awang na nilikha ng krisis. 

Ang 200 dolyar ay nagiging malaking halaga sa hanay ng mga mangagawang Pilipino sa gitna ng kagipitan na sa mahabang panahon ay naging balon ng tulong pinansyal sa isang atrasado at di maunlad na ekonomiya tulad ng Pilipinas.

Ito din ang rasyonale kung bakit iginawad ang parangal bilang “Bagong Bayani”. Anoman paraan para hadlangan ang paghahangad na makamit ito ay hungkag na panawagan at hindi nakatuntong sa realidad.  (n: Ibarra Banaag)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Undocumented bilang Seasonal workers? Ang posibilidad ng Regularization, pinang-uusapan

Mga OFW sa Pinas na pabalik ng Italya, nagpahayag ng pag-aalala