Sa isang panayam ay nilinaw ni OWWA Administrator Hans Cacdac ang bagong patakaran ukol sa hotel quarantine facility at swab testing mula Inter Agency Task Force o IATF para sa mga Ofws na umuuwi ng Pilipinas. “Ang buong proseso ay libre“, aniya.
Kinumpirma ni OWWA Administrator Hans Cacdac na wala ng swab testing sa airport. Sa halip, mula sa airport ay dadalhin ang mga Ofws sa hotel quarantine facilitity. Dito ay gagawin ang swab testing sa loob ng lima hanggang anim na araw na pananatili.
“Kapag PCR negative, ang Ofw ay makakuwi na. Itu-turn over ang Ofw sa local government unit o LGU na syang may responsabilidad sa pagpapatuloy ng 14 na araw na kwarantina. Ang LGU rin ang magdidisisyon kung ang kwarantina ay home o facility quarantine“.
Samantala, kung mag-resultang positibo ang Ofw ay kailangan umanong dalhin sa isolation facility o Covid19 positive facility, kung saan kailangang manatili ng 10 araw.
Libre para sa mga Ofws. Sinu-sino ang mga itinuturing na Ofws?
Ayon kay Owwa Administrator ay LIBRE ang buong proseso.
Mula sa paglapag sa airport, transport sa hotel, pananatili sa hotel, swab testing, paggawad ng resulta, pag-transport sa Home Region o LGU. Lahat ay LIBRE. Ang food, tansport at accomodation upon arrival ay sinasagot ng gobyerno para sa lahat ng mga Ofws.
“Kasama sa libreng proseso kahit ang mga undocumented o visit visa workers. Libre para sa lahat na mapapatunayang nag-trabaho sa ibang bansa sa pagkakaroon ng work visa kahit hindi dumaan sa POEA. Maaaring kontrata o employment contract at kahit anong patunay na isang Ofw”.
Para sa mga Ofws mula sa Italya ay ipinapayo ang pagdadala ng contrata di lavoro, contributi Inps at busta paga bilang patunay na isang worker. Samakatwid, kahit isang carta di soggiorno holder, at mayroong balidong employment contract ay saklaw ng libreng proseso ng gobyerno.
Bilang pagtatapos ay nilinaw ni OWWA Administrator na wala ng travel ban o ang tinatawag na red flag countries kung saan mayroong new variant ng covid 19. (PGA)