Rome, 29 March 2011 – Isang araw bago sumapit ang Marso 30 na siyang araw na itinakda ng Chinese government para bitayin ang 3 Pinoy na sina Sally Ordinario Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo ay tila suko na ang Malacañang sa pag-apela dahil sa desisyon pa rin ng China ang masusunod.
Kaugnay nito muling umapela ang Malacañang sa publiko ng pang-unawa sa naging hatol ng Chinese government. Ayon kay Communications Development and Strategic Planning Office Secretary Ricky Carandang, mayroong sinusunod na batas ang China na nauunawaan naman ng pamahalaan at tiniyak na hindi maapektuhan ng hatol ng China ang relasyon nito sa bansa.
Batid umano ng Malacañang ang appeal letter ni Sally kung saan tinuro nito ang kanyang recruiter na s’yang nagbigay sa kanya ng heroin, ani Carandang. Ang apela na ito ni Sally ay hindi rin hawak ng pamahalaan bagkus nasa China ang desisyon kung pakikinggan ito o hindi.
Ang magagawa umano ng pamahalaan ay lipulin ang sindikato na nambibiktima ng mga Pinoy at ginagawang drug mules kapalit ng malaking halaga.
Umaasa naman si Vice President Jejomar Binay na ikukunsidera ng China ang affidavit ni Sally na ginamit lang siya ng sindikato at hindi dapat mabitay.
Samantala, masigasig ang pag-aasikaso ng embahada ng Pilipinas sa Beijing, China sa mga dumating na pamilya ng mga bibitaying Pinoy.
Gusto nilang ipakiusap sa pamahalaan ng China na payagang makausap kahit isang araw ang mga bibitaying Pinoy at kanilang mga mahal sa buhay na dumating na sa China.
Gayunpaman, nangako ang opisyal ng embahada ng Beijing at maging ang konsulado sa Xiamen at Guangzhou na gagawin ang lahat ng paraan para mapagbigyan ang kanilang hiling.
Napag-alaman naman kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Atty. Ed Malaya na base sa tinanggap na abiso ng DFA, sa Marso 30 ng umaga ay gagawin ang promulgation ng sentensya sa tatlo. Pagkatapos ng promulgation ay bibigyan ng pagkakataon ang mga kaanak na makita ang mga bibitaying mahal sa buhay at kasunod na ay ang pagpapataw ng parusang bitay sa pamamagitan ng lethal injection.
Nilinaw rin ng opisyal na nakasalalay sa mga kaanak ng mga bibitayin kung gusto ng mga itong iuwi ng Pilipinas ang mga labi o iki-cremate na lamang.
Pero kung iuuwi ang bangkay, tatagal ayon sa DFA ng dalawa hanggang tatlong linggo ang proseso.