Ang nilagdaang bagong batas ng OWWA ay regalo ni Pangulong Aquino sa mga ofws sa nalalapit na paggunita sa ika-21 taon ng Migrant Worker’s Day sa June 7.
Nilagdaan bilang batas ni Pangulo Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10801 noong 10 Mayo.
Ang bagong batas ay nagtatalaga bilang chartered institution sa OWWA. Matatandaang ang OWWA ay pinangangasiwaan batay sa Presidential Decree No. 1694 na nilagdaan ni dating Pangulo Ferdinand E. Marcos noong 1 Mayo 1980. Ito ay inamyendahan ng Presidential Decree No. 1809 noong Enero 16, 1981.
Makalipas ang mahabang panahon ay lubos na ikinalulugod ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Empleyo na maipatupad ang bagong OWWA charter na nagtatakda sa pagpapatakbo at pangangasiwa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ito aniya ay kanilang malugod na tinatanggap at sinabing makakatulong sa pagsusumikap ng pamahalaan na pangalagaan at protektahan ang kapakanan at interes ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Ang bagong batas ay “maagang regalo” ni Pangulo Aquino sa mga OFW sa nalalapit na paggunita sa ika-21 taon ng Migrant Worker’s Day sa June 7.
Ayon pa dito, ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10801 ay nagpapatibay sa layunin ng pamahalaan na maabot ang lahat ng OFW saanman at kailanman nila kailanganin ang tulong. Inilalagay rin nito ang OWWA sa mas matatag na katayuan upang ipatupad ang kaniIang tungkulin na protektahan at pangalagaan ang mga OFW.
“Sa pagbibigay ng pamahalaan sa OWWA ng regular budget para sa operation at personal services, ang trust fund ng OFW ay maitutuon na ng OWWA para lamang sa implementasyon ng programa at serbisyo para sa kagalingan ng mga miyembro at pamilya nito,” ani OWWA Administrator Rebecca J. Calzado.
Kasabay nito ay ipinangako ni Calzado na magpapatupad sila ng mga bagong programa sa ilalim ng bagong batas. Kabilang na dito ang pagpapalakas ng mga kasalukuyang programa at serbisyo, tulad ng death, disability, and dismemberment benefit; repatriation assistance; scholarships, skills training and skills upgrading program, at pre-departure assistance.
Ang reintegration program ay ang core program ng OWWA, ayon sa bagong batas at inilalagay ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim ng pamamahala ng OWWA para sa policy and program coordination.
Layunin ring palakasin ng OWWA ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng DOLE sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa para sa OFW, tulad ng DOLE Assist WELL Program for OFWs at ang Expanded Entrepreneurship Development Training (EEDT) para sa mga OFW na nagnanais magtayo ng kanilang sariling negosyo.
Isa sa probisyon ng Charter ay ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal o system of rebate para sa mga OFW, kasama na ang kanilang pamilya, na may sampung (10) taon ng miyembro, na hindi pa nakakatanggap ng anumang serbisyo o benepisyo mula sa OWWA.
Inaatasan ng R.A. 10801 ang kasalukuyang OWWA Board na ipahayag ang implementing rules and regulations ng bagong batas sa loob ng 90 araw mula ng ito ay pagtibayin. Magsagawa ng management audit sa loob ng 120 araw at amg-sumite sa Department of Budget ang Management ng kanilang proposed reorganization plan sa loob ng isang taon matapos ang audit.
Source: Dole