in

Kumusta na ba ang naapektuhan ng travel ban sa Pilipinas at Italya?

Sa isinakatuparang travel ban ng Italya at ng Pilipinas, maging ng iba pang mga bansa, maraming mga kababayang Pilipino ang naapektuhan. Sa isinagawang pagtatanong ng Ako ay Pilipino, sari-saring kasagutan ang aming natanggap mula sa mga naka-biyahe pauwi  sa Pilipinas at pabalik ng Italya, na-stranded dahil naabutan ng travel ban, at yaong mga nagpasiya nang magpa-rebook o magpakansela  na ng kanilang tiket sa eroplano. 

Isa sa pinalad na makabalik sa Italya bago naghigpit sa travel ban ay si SUSAN LIBARIOS, mula San Pedro City, Laguna at taga-Bologna . Dumating siya noong ika-10 ng Marso, 2020. Sa Emirates Airlines siya at ang biyahe ay Pilipinas-Dubai-Bologna. Ayon sa kanya, sa NAIA Airport ay wala pa noong pagkontrol sa temperature ng mga aalis na pasahero pero kapansin-pansin na ang kakaunting tao na naroon. Ang biyahe niya ay napuno ng pangamba dahil sa mga kasakay niyang waring may mga taglay na sakit dahil sa kakaibang gawi ng mga ito sa loob ng eroplano. Pagdating sa Guglielmo Marconi Aeroporto ng Bologna, ay nagkaroon ng pagkokontrol sa bawat pasahero. Ganun na lamang ang tuwa niya na nalampasan niya ang bahagi ng biyaheng yaon. Sabi pa niya kaya siya nagpilit makabalik dito ay dahil sa mga anak niya na nasa Torino. Mas nanaisin pa daw niya na sama-sama sila sa gitna ng krisis na ito.

Marami ang mga naabutan ng travel ban. Ilan dito ay sina EVELYN GOMEZ na magbabakasyon sana sa Bulacan at dadalaw din sa kanyang anak at mga apo sa Australia, si DELIA GABATIN na maghahandog sana ng sorpresa sa kaarawan ng mga magulang niya na nasa Pangasinan, si AILEEN PANGAN na nais nang makapiling ang kanyang pamilya sa Tarlac at ang mag-asawang VICTORIA at NOLIE ANTALAN na uuwi sana sa kanilang probinsiya sa Nueva Ecija. Nagpasiya sila na ipakansela na ang kanilang mga tiket at maghintay na lamang hangga’t maayos na ang sitwasyon. 

Ang nakakapanlumo ay ang nangyari sa mga kababayan natin na inabutan ng travel ban kung kaya nanatili na muna sa Pilipinas.  Isa na rito ay si NESTOR DE TORRES ng Quezon, na pabalik na sana sa  Milan. Hiling sana niya ay huwag nang madagdagan pa ang presyo ng kanyang tiket pabalik dahil dagdag na pahirap sa kanya ang gastos na ito bukod sa nagtagal na pananatili sa bansa. Si CRISTY SANCHEZ naman ay nagpa-rebook na para sa buwan ng Mayo at umaasa na makatanggap ng tulong para sa kanyang pamilya mula sa pamahaalan. 

Wilde Colendres and family

Si CRISTY SANCHEZ naman ay nagpa-rebook na para sa buwan ng Mayo at umaasa na makatanggap ng tulong para sa kanyang pamilya mula sa pamahaalan.

Sa pamilya ni WILDE COLENDRES ng Laguna, nakabalik na sana sila ng Milan, Italy ng March 12, 2020 kaya lamang ay inabutan ng lockdown habang nasa NAIA airport kaya sa ngayon ay naghihintay sila na mabuksan muli ang mga flight ng airlines at ma-lift na ang lockdown.

Marami pa silang tumugon sa aming survey, may pagkakatulad ang mga naengkuwentrong suliranin kaugnay ng travel ban. Base sa serbisyong puedeng gampanan ng pamahalaan, ito ay ang mabigyan sila ng tulong-pinansiyal at maiayos sakaling magkaproblema sa mga dokumentong inabutan ng pagkawalang-bisa. May ilan kasing nag-siuwi noon na tagliando lamang ang dalang dokumento at sa tagal na ilalagi sa Pilipinas ay maaaring abutan na ng scadenza. 

Nagtanong kami ng ilang katanungan sa isang ahente ng tiket mula sa Biyahero Travel and Tours, si FERDINAND “Ferdz” FLORES, para makadagdag-linaw sa usaping ito. Ayon sa kanya, kung ang kanselasyon ng biyahe ay magmula sa Airlines, maaaring 100 porsiyento ng halaga ang mabalik sa pasahero bilang danyos perhuwisyo na rin daw. Nguni’t kung ang pagkansela ay mula sa pasahero, may kaukulang multa sa tiket na maaaring mula 20-30 porsiyento ng presyo ng pagkabili nila. At dahil daw sa mahabang proseso na pagdadaanan nito, maaari daw abutin ng mula 45 araw hanggang dalawang buwan bago mabalik ang refund. May ilang airlines na inaabot pa ng 3 hanggang apat na buwan ang proseso.

Sa pagpapa-rebook o pagpapabago ng petsa ng biyahe, kung ang pasahero ang pipili ng petsa, may kaukulang service charge ito at depende sa petsa at kung anong airlines.

Kung ang dahilan ay ang sitwasyon ngayon, walang aalalahanin ang pasahero dahil libre ang serbisyo pero depende naman sa araw na available at kung makansela muli dahil sa sitwasyong dulot pa rin ng COVID19, ay muli nilang irerebook ito nang libre ang serbisyo pero depende naman sa araw na available at kung makansela muli dahil sa sitwasyong dulot pa rin ng COVID19, ay muli nilang irerebook ito nang libre ang serbisyo.

Bawat airline ay may regulasyon, may ilan na pahihintulutan ang tiket na rebook-able sa loob ng isang taon. At kung pabalik sa Italy ay mai-rebook ito kung puwede na. Sa ibang airlines, voucher ang ibinibigay na puede magamit sa buong taon sa kanilang airline lamang.

Sa ahente namang si MAUREEN MAGALLANES, patuloy ang kanyang komunikasyon sa mga kliyente niyang nagkaproblema sa pagbalik dito sa Italya, Siya mismo ang nakikipagkoordinasyon sa airlines upang maiayos ang posibleng biyahe ng pasahero. Tinitiyak din niya na namomonitor niya ang kasalukuyang kalagayan ng stranded passengers kung kaya inilalapit niya sa kinauukulan sa pamahalaan na sana ay magkaroon ng tulong-pinansiyal ang mga ito. At may pagkakataon na rin na siya na muna ang nagpapaluwal dahil dama niya ang pangangailangang pinansiyal ng kanyang kliyente.

Habol pa ni Ferdz Flores, sa tulad nilang mga ahente, mahalaga ang sinserong serbisyo, kaya nariyan ang madalas na update sa mga nangyayaring sitwasyon, pagkontrol sa mga booking at maayos na pakikipag-usap sa mga pasahero. Kaya naman nagkakaroon ng pagtitiwala sa bawat isa. (ni: Dittz Centeno-De Jesus – photo credit: Jesica Bautista)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Supermarkets, may iba’t ibang oras at araw ng pagbubukas sa publiko

Krisis pangkalusugan hanggang kailan?