Apatnapung Pinoy mula Libya, tinulungan ng Italian employer na makabalik ng bansa. Sinalubong ng Embahada at ilang Pilipino sa Roma.
Roma, 03 Marso 2011 – Ang pagsiklab ng ribolusyon sa bansang Libya ay lubhang ikinabahala ng ating libo- libong mga kababayan tulad ng lahat ng OFWs sa buong mundo na naghahangad lamang ng isang magandang kinabukasan para sa pamilya, sa kabila ng matinding lungot at pangungulila sa mga mahal sa buhay. Sa halip ng isang magandang kinabukasan, ang pangunahing hangarin ngayon ng bawat Pilipino doon ay makalikas ng payapa dala ang hinagpis at dalamhati para sa isang natabunang pangarap.
Ngunit salamat pa rin sa mga employer na may mabubuting kalooban tulad ng BONATTI Company, isang italian company sa Libya, na pinaglingkuran ng marami nating mga kababayan. Kanyang ginabayan hanggang sa kahuli-hulihang sandali ang kanyang mga trabahador kabilang dito ang mga gastusin hanggang sa huling sentimo. Binigyan pa diumano ng italian employer ng tig 25 dollars ang kanyang lahat ng empleyadong inilikas mula Libya na umabot ng higit dalawang daang dayuhan.
Apatnapu sa kanila ay ating mga kababayan na dumaong sa Catania noong nakaraang Martes ika- 1 ng Marso, sakay ng mga Italian warships mula Libya. Matapos ang 22 oras ng biyahe, sa pakikipagtulungan ng Honorary Consulate sa Reggio Calabria na si Mr. Marciano kasama ang kanyang dalawang anak, ay sinalubong at tinulungang makakuha ang mga refugees ng ‘4 day transit visa’ sa kadahilanang mga kopya lamang ng pasaporte ang kanilang hawak. Ang mga orihinal na pasaporte ay hawak diumano ng kasosyong Libyan ng BONATTI Company. Hindi ito naging hadlang sa kanilang Italian employer upang sila ay abandunahin. Sa katunayan, nakipag-ugnayan rin sa Embahada ng Pilipinas sa Roma ang nasabing employer.
Mabilis namang tumugon ang Embahada sa pamumuno ni Amb. Romeo Manalo, Consul General Danilo Ibayan, Labor Attachè Chona Montilla, OWWA officer Lynn Vibar, patungong Fiumicino International airport. Kabilang din sa sumalubong ang isa sa mga konsehal na Pilipino sa Roma Pia Gonzalez at ilang mga reporters.
Mula Roma, lulan ng Qatar Airways ang 40 Pilipino pabalik ng ating bansa bandang alas onse ng umaga kahapon ika-2 ng Marso.
Sa kasamaang palad, tatlong Pilipino ang naiwan sa Roma. Dala dala ang kanilang pasaporte ngunit walang sapat na halaga para sa airplane ticket dahil sila ay isinama lamang ng BONATTI owner para makalikas mula sa Libya. Sila ay nag trabaho para sa SIRTI Oil Company. Damit lamang ang kanilang dala, sa katunayan suot pa nila ang kanilang uniporme sa pagdating sa Roma. Mabilis naman ang naging aksyon ng OWWA Rome at sila ay maaari na ring makauwi ng bansa ngayong araw na ito alas singko ng hapon. Salamat din sa ating mga kababayan dito sa Roma na tumulong at nag bigay ng ilang damit at pagkain.
Bandang hapon naman, limampung Pilipino ang muling dumaong sa Roma mula sa Malta na humingi sa Embaha ng pamatid gutom sa muli nilang paglipad pauwi ng bansang Pilipinas.