Manila – Ayon sa COMELEC o Commission on Election, umabot sa 5,438 pa lamang ang nagpa-rehistro sa OAV (Overseas Absentee Voting) para sa eleksyon sa 2013.
Inumpisahan ang pagpaparehistro noong nakaraang Nov. 2, 2011 at matatapos ito sa Oct. 31, 2012.
Ayon pa kay James Jimenez, ang Spokesperson ng Comelec, inaasahan ang pagtaas sa bilang ng mga aplikante sa pagpasok ng taon.
Sa kasalukuyan, nangunguna ang Dubai sa UAE sa pinakamaraming rehistrado, 407. Sinundan ng Tel Aviv sa Israel, 332 at Riyadh sa Saudi Arabia 305.
Sa Middle East at Africa may mataas na bilang ng aplikante 1,675. Sinundan ng Europa 1,338 at Amerika 1,241. Samantala sa Asya naman ay mayroong 1,184– kung saan ang aplikante sa Macao ay 215, sinundan ng Singapore 206 at ng Tokyo 143.
Samantala, kinumpirma ni Vice Consul Jarie Osias ng Philippine Embassy sa Roma na kasalukuyang mababa ang bilang ng mga aplikante dito, umaabot lamang ng halos 20 aplikante bawat linggo. Sa Milan naman ay umaabot ng 20 aplikante bawat araw.