in

Sang-ayon ka ba sa karagdagang 3% kada buwan ng Premium Contribution para sa mga Overseas Filipinos ng Philhealth?

Sa Circular No. 2020-0014 o ang “Premium Contribution and Collection of Payment of Overseas Filipino Member” nitong Abril 02, 2020 ay nagsasaad ng mandatory health coverage sa lahat ng mga Overseas Filipinos at ito ay nangangahulugan ng pagiging “Direct Contributors” ng Philhealth na nagpapataw ng sapilitang pagbabayad sa lahat ng mga Overseas Filipinos. 

Ito ay isa sa mga hakbang para sa pagpapatupad ng Republic Act 11223 Universal Health Care (UHC).

Ayon sa Circular, tinutukoy na Overseas Filipinos ang mga:

  • Land based Ofws
  • Seafarers and sea-based workers
  • Filipinos with dual citizenship
  • Filipinos living abroad
  • Overseas Filipinos in distress

Ang mga nabanggit simula Enero 1, 2020, simula sa dating premium na P2400,00 kada taon, ay obligadong magbabayad ng karagdagang 3% ng buwanang sahod para sa premium. Kung hindi makakapagbayad ang Ofw ay papatawan ng tinatayang 1.5% interes kada buwan na idadagdag sa bawat buwan ng pagka-antala sa pagbabayad.

Narito ang sample computation. Converted sa peso ang 1k euro a month at ang exchange rate ay P60.00 per 1euro = 60k pesos 

60,000 salary per month x 3% = 1,800 pesos
1,800 pesos x 12 months = 21, 600 pesos

Ang P21,600 ang taunang bayad ng Ofw sa Philhealth.

At dahil transitory year ang 2020, ang nagbayad ng kanyang annual na 2400 pesos ay may balance pang babayaran dipende sa komputasyon na 3% ng kanyang salary.

Sa Enero 2021 ay magsisimula naman ang quarterly o semestral o annual na paraan ng pagbabayad. 

Bukod dito, ay may increase taun-taon mula sa 3% to 5% hanggang sa taong 2025. 

Ang hindi pagbabayad ng Premium ay nangangahulugan rin ng hindi pagbibigay sa Ofw ng OEC sa muling paglabas ng bansang Pilipinas. 

Mapapakinabangan ba ito ng mga Pilipino na nagta-trabaho sa Italya? 

Sa Italya ang health assistance ay natatanggap sa pamamagitan ng pagpapatala sa Sistema Sanitario Nazionale (SSN). Sa obligadong pagpapatala sa SSN ay makakatanggap ang mga Pilipino na mayroong regular na permit to stay ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagbabayad ng ticket o ng isang maliit na halaga na nag-iiba base sa ilang kundisyon at sahod ng mamamayan.

Bukod dito, nagtalaga rin ang gobyerno ng Italya ng health ticket exemption o libreng serbisyong pang-kalusugan na karapatang ibinibigay kahit sa mga Pilipino dahil sa edad (hindi lalampas ng 6 na taong gulang o higit sa 65 taong gulang); kawalan ng trabaho; maykaramdaman o kapansanan at ibang sitwasyon tulad ng pagbubuntis.

Kahit ang mga undocumented na Pilipino ay may karapatan ding magpagamot at magpunta ng ospital ng walang panganib na pag-uulat sa pulisya dahil ito ay taliwas sa karapatang pangkalusugan. 

Dahil sa mga nabanggit na katangian ng Premium ng Healthcare at ang natatanggap na health assistance ng mga Pilipino mula sa Italya, ay umani ito ng iba’t ibang reaksyon. 

Ayon sa ilang netizens, malinaw umano na hindi ito papakinabangan ng maraming Ofws na naninirahan at nagta-trabaho sa Italya bukod pa sa napakataas na halaga nito. 

Bilang isang Overseas Filipino, sang-ayon ka ba sa karagdagang 3% na ito ng Premium ng Philhealth? 

Narito ang survey. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus Colf e Badanti, ng ‘Nessuno Escluso’ hatid ng Regione Lazio

Bagong ‘autocertificazione’, gagamitin simula May 4