Ang nakaraang linggo ng Abril ay kapapansinan ng nagkakaisang reaksiyon ng mga OFW sa buong mundo hinggil sa ipapatupad na PHILHEALTH Circular 2020-0014 na Premium Contribution and Collection of Payment of Overseas Filipino Members. Ang mayorya ng mga manggagawang Pilipino sa iba’t ibang bansang kinaroroonan ay umaapela sa mandatoryong pagbabayad, mula sa 3porsiyento ng kanilang sahod na ibabayad sa bawat buwan at patuloy na tataas hanggang sa limang porsiyento sa taong 2025. Bukod pa sa compounded interest na ipapataw sakaling mahuli sa takdang araw ng pagbabayad. Nakatali din dito ang pag-isyu ng OEC sa mga OFW na papasok o lalabas ng ating bansa na kung di bayad sa Philhealth ay di mabibigyan nito.
Nagpahayag na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ni Spokesman Harry Roque, na pansamantalang suspensiyon sa panig ng mga OFW, na gawing boluntaryo ang sakop nito at makakakuha ng OEC ang di bayad sa premium.
Ito ay dahil sa nagkakaisang panawagan ng mga organisadong manggagawa, sa mga petisyon at survey, na kanilang isinagawa sa pamamagitan ng social media.
Pero paano na ang iba pang sakop nito na overseas Filipinos, ayon sa depinisyon na nakasaad sa Circular?
Ang landbased OFWs at seafarers ay nagpahayag na ng kanilang pagtutol. Paano na ang mga Pilipinong may dual citizenship at karamihan ay bihira na ring umuwi sa Pilipinas? Ang mga Pilipinong mas piniling magtrabaho at mamuhay na sa ibang bansa, partikular dito sa Italya na may hawak nang carta di soggiorno? Ang mga Pilipinong “in distress” na nga ay kasama pa rin sa singilan? At iba pang overseas Filipinos na di kasama sa klasipikasyon?
Partikular nating suriin ang kalagayan ng mga Dual Citizens. Sila yaong nakapasa na bilang mamamayan ng bansang kinaroroonan pero pinili pa ring kumuha ng Filipino citizenship sa mga pansarili nilang dahilan. Sakop sila ng circular na nabanggit na magbabayad din. Maraming mga katanungan ukol sa kanilang sitwasyon. Ito ba ay magkakaroon ng epekto sa simpatiya nila sa sariling bansa at mapilitang bawiin na lamang ang pagka-Pilipino dahil sa mga di-makatarungang mga batas at regulasyon na di pabor sa kanila? Sa kanilang minsanang pag-uwi sa Pilipinas, ang sasalubong ba sa kanila ay ang malaking bayarin sa naipong hulog at interes sa Philhealth? Mandatoryo ang porma ng circular na ito kaya ang lahat ay obligado na pumaloob at magbayad.
Sa mga may hawak ng carta di soggiorno at di nangangailangan ng OEC sa kanilang pagbabakasyon sa Pilipinas, sakop din sila sa kategoryang iba pang overseas Filipinos kaya may obligasyon din na magbayad ayon sa lebel ng kanilang kita.
Sa sektor ng overseas Filipinos in distress, sa pakahulugan ay yaong mga nagkaproblema sa kani-kanilang kinaroroonan, maaaring sa usaping trabaho o iba pa, sa halip na ayuda ang matanggap ay bayarin ang sa kanila ay babagsak.
Kaya ang mananatiling panawagan ng lahat ng sektor na sinakop nito ay ang suriing muli ng gobyerno ang circular na ito upang maging pabor para sa lahat. Gawing boluntaryo ang pagpapaloob dito at ibalik sa dating halaga at porma ng pagbabayad ng miyembro. Panawagan din na ma-amyendahan ang Universal Health Care Republic Act 11223, upang maging pabor sa kapakanan ng lahat. (Dittz Centeno-de Jesus)