Simula May 30, 2022 hindi na kakailanganing magpakita ng negative PCR test (o kilala sa tawag na ‘molecolare’ sa italyano) ang mga Pilipino at dayuhan na fully vaccinated laban Covid19 na magbabakasyon sa Pilipinas. M
Ito ay nasasaad sa bagong resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Sinu-sino ang hindi na mangangailangan ng RT-PCR Test?
Bukod sa mga fully vaccinated, sa ilalim ng IATF-EID Resolution 168, ang mga papasok sa Pilipinas ay hindi na kakailanganing magpakita ng RT-PCR test, sa kondisyong sila ay 18 taong gulang pataas, at may kahit isang booster shot laban Covid-19.
Exempted din sa pre-departure RT-PCR requirement ang mga may edad na 12 hanggang 17 na nakatanggap ng dalawang bakuna laban sa Covid-19, gayundin ang mga may edad 12 pababa na kasamang magbibiyahe ng mga fully vaccinated o boosted na magulang o guardians.
Gayunpaman ang mga fully vaccinated ay kailangan pa ring magpakita ng acceptable proof of vaccination tulad ng World Health Organization International Certificate of Vaccination and Prophylaxis, VaxCertPH, national or state digital certificate of foreign country accepting VaxCertPH at iba pang proof of vaccination na pinahihintulutan ng IATF-EID.
Paano ang mga hindi bakunado?
Samantala, ang mga hindi bakunado o partial lamang ang bakuna, o hindi na-verify ang vaccination status ay mananatiling kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test na ginawa sa loob ng 48 oras o negatibong resulta ng rapid antigen test mula sa laboratoryo o na-certify ng isang healthcare professional na ginawa sa loob ng 24 na oras bago ang petsa at oras ng pag-alis mula sa bansang panggagalingan o sa unang embarkation port sa Pilipinas.
Kakailangan din silang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa mailabas ang kanilang negatibong RT-PCR test na gagawin sa ikalimang araw mula sa petsa ng kanilang pagdating sa Pilipinas. Dapat din silang sumailalim sa home quarantine hanggang sa kanilang ika-14 na araw sa bansa.
Travel insurance, hindi na rin kailangan
Ayon pa sa pinakahuling resolusyon ng IATF-EID ay inalis na rin ang travel insurance requirement para sa mga incoming passengers.
Sa update protocol ng Covid-19 sa ilalim ng IATF-EID Resolution 168 ay pinahihintulutan ang pagpasok sa Pilipinas nang walang travel insurance. Matatandaang ang mga foreign nationals ay makakapasok lamang sa Pilipinas kung mayroong minimun coverage ng USD35,000 travel insurance sa panahon ng kanilang pananatili sa Pilipinas. Gayunpaman, bagaman hindi na required ang travel insurance ay inirerekomenda pa din ito sa mga pasaherong darating sa Pilipinas.
Ipinapaalala sa mga uuwi sa Pilipinas na kakailanganin pa din ang kumuha ng One Health Pass, 48 oras bago ang naka-schedule na flight. Ihanda ang Green pass.