in

Pagdadalamhati at Pananalangin: Huling Pamamaalam kay Pope Francis

 “Ang pagdurusa sa huling bahagi ng aking buhay ay iniaalay ko sa Panginoon, para sa kapayapaan sa buong mundo at para sa pagkakapatiran ng lahat ng tao.

Ito ang nasasaad sa spiritual testament ni Pope Francis na isinulat niya tatlong taon na ang nakalilipas. Isa rin sa kanyang kahilingan ay mailibing sa Papal Basilica ng Saint Mary Major, sa isang payak na libing, walang anumang palamuti, at may iisang inskripsiyon lamang: Franciscus.

Isang pastol at alagad ni Cristo, hindi isang makapangyarihang tao sa mundo — ito ang imaheng iniwan sa atin ng Santo Papa.

Pumanaw si Pope Francis sa edad na 88 noong Lunes, Abril 21, alas-7:35 ng umaga (Italy time) sa Casa Santa Marta. Ang pakikiramay at pagdadalamhati ay agad na umalingawngaw mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Noong Miyerkules, Abril 24, inilipat ang labi ng Santo Papa sa St. Peter’s Basilica, sa isang seremonyang pinangunahan ni Cardinal Kevin Farrell, ang Camerlengo ng Roman Church. Matapos nito, agad na sinimulan ang public viewing, na inaasahang magtatagal hanggang Biyernes, Abril 25.

Pagdagsa ng mga Deboto sa Vatican

Sa unang araw ng public viewing, hindi inalintana ng mga deboto ang matagal na paghihintay — ilan ay pumila ng hanggang apat na oras — upang masulyapan, makalapit at taimtim na makapag-alay ng panalangin sa labi ng yumaong na Santo Papa kahit saglit lamang.

Binabalot ng katahimikan ang buong Basilica; madamdamin ang bawat hakbang ng mga dumadalo. Lahat ay nais makalapit, makapag-alay ng panalangin, at masilayan ang Santo Padre bago siya tuluyang ihatid sa kanyang huling hantungan.

Ayon sa Vatican, 19,430 katao ang nakapasok sa Basilica hanggang alas-8 ng gabi kahapon. Dahil sa patuloy na dagsa ng mga tao, nanatiling bukas ang Basilica hanggang alas-5:30 ng umaga at muling nagbukas alas-7:00 ng umaga ngayong araw, Huwebes, Abril 24.

Inaasahang mas dadami pa ang mga dadalo sa mga susunod na araw, lalo na sa Biyernes, kung kailan matatapos ang public viewing bandang alas-7:00 ng gabi (Italy time). Tinatayang aabot sa 200,000 katao ang dadagsa sa Vatican.

Dahil dito, magkakabit ng mga maxi screens sa Via della Conciliazione, Piazza Pia, at Piazza Risorgimento upang masiguro ang maayos na pagdaloy ng publiko.

Samantala, 170 mga pinuno ng estado ang inaasahang dadalo sa funeral rites, kabilang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at ang kanyang maybahay.

Seguridad at Koordinasyon sa Vatican

Mas pinaiigting pa ang seguridad sa Vatican, ayon sa Questura di Roma. Pinalawak ang presensya ng mga militar, lokal at pambansang pulisya. Bago makapasok sa St. Peter’s Square, kailangang dumaan sa dalawang security checkpoints: isang manual check sa Via della Conciliazione, at metal detector control.

Makikita ring dala ng mga sundalo ang mga Bazooka Anti-Drone, at ipinapatupad ang no-fly zone sa buong Vatican. Kasama rin sa seguridad ang underground patrols, kabilang ang paligid ng Ilog Tiber.

Tulong mula sa Volunteers

Kasabay ng pagsiguro ng seguridad, aktibo ring nakadeploy ang mga volunteers ng Civil Protection, na namahagi ng libre at malamig na bottled water. Ayon sa kanilang ulat, umabot sa 20,000 bote ang naipamahagi hanggang alas-6:30 ng hapon. Mayroong 22 designated distribution areas, na inaasahang madaragdagan hanggang Sabado para sa funeral mass.

Funeral Mass at Pagluluksa

Isang payak na funeral rites ang nakatakdang isagawa sa Sabado, Abril 26, alas-10:00 ng umaga (Italy time), sa Basilica of St. Mary Major, alinsunod sa hiling ng Santo Papa. Bago nito, gabi-gabing isinasagawa ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, na magtatapos sa Biyernes.

Sa araw ring iyon magsisimula ang Novemdiales — ang siyam na araw ng pagluluksa ng buong Simbahang Katolika.

Pagpili ng Susunod na Santo Papa

Ang pagbubukas ng Conclave, o ang proseso ng pagpili ng susunod na Papa, ay maaaring maganap 10 hanggang 15 araw mula sa pagpanaw ni Pope Francis. Tinatayang ito ay magaganap sa pagitan ng Mayo 5 hanggang Mayo 10.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Ang pagkamatay ni Papa Francisco: ang pamana ng pontipise sa mga immigrante – Mga dayuhan sa Italya