in

10,000 tinatayang nasawi ng Typhoon Yolanda

Niragasa ni super typhoon Yolanda ang Kabisayaan hanggang Kabikulan at ito na ang sinasabing pinakamalakas na bagyo na tumama sa kalupaan sa buong mundo ngayong 2013 at maituturing ding isa sa pinakamalakas sa kasaysayan.

Biyernes, Nobyembre 8 nang tumama sa kalupaan ng bansa si Yolanda at anim na beses pang nag-landfall bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng hapon.

Pinangangambahang higit na sa 10,000 ang iniwang patay ng Bagyong Yolanda sa Pilipinas, partikular sa Leyte na pinakamatinding sinalanta.

Sa panayam ng Reuters, sinabi ni Police Chief Superintendent Elmer Soria na batay ito sa tantiya ng mga opisyal ng pamahalaan ng Leyte.

Karamihan anya ay nasawi sa storm surge o paglaki ng alon at pag-abot sa lupang kinatatayuan ng mga bahay at establisyimento.

Batay nama sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 1,774 ang kumpirmadong patay, umabot na sa 2,487 ang sugatan habang 82 pa rin ang pinaghahanap.

Malaking bilang pa rin ng mga naitalang patay ay mula sa Tacloban, Leyte gaya na rin ng pahayag ni NDRRMC spokesman Major Reynaldo Balido.

Nananatiling walang suplay ng kuryente sa mga lugar na niragasa ni Yolanda sa Visayas habang wala ring linya ng telepono sa ilang lugar.

Ito ang dahilan kung bakit hirap makakuha ng impormasyon sa mga lalawigang naapektuhan.

Aminado ang NDRRMC na tataas pa ang bilang na ito dahil patuloy pa ang pagkalap nila ng datos mula sa mga lalawigang naapektuhan ng bagyo.

Inilarawan naman ni Efren Nagrama, manager ng Tacloban Airport, ang paghampas at pagtaas ng tubig ng hanggang apat na metro sa paliparan bilang kahalintulad ng tsunami.

Ganito rin ang pagtingin ni Interior Secretary Manuel Roxas. "From a helicopter, you can see the extent of devastation. From the shore and moving a kilometer inland, there are no structures standing. It was like a tsunami."

Kinumpirma naman ni Tecson John Lim, city administrator ng Tacloban, na nagkalat ang mga bangkay sa kalsada ng lungsod.

"The dead are on the streets, they are in their houses, they are under the debris, they are everywhere."

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 1]

Pahayag ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III, Pangulo ng Pilipinas

22 bansa nagparating ng tulong sa Pilipinas