Tinatayang makakapagbigay ng trabaho sa mga naghahanap nito sa loob at labas ng bansa ang Job Fair buhat sa DOLE.
Rome, Abril 16, 2012 – Isang daang libong mga Pinoy na gustong magtrabaho sa labas at loob ng bansa ang maaaring mabigyan ng trabaho sa gaganaping Job and Livelihood Fair ng Department of Labor and Employment (DOLE), para sa mga manggagawa sa pagdiriwang ng Labor Day sa Mayo 1.
Ayon kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz, ang mga trabaho ay iaalok diumano ng 300 employers na makikiisa sa gagawing Job Fair sa World Trade Center sa Pasay City.
Kabilang din na lalahok ang mga local employers na nasa business process outsourcing, tourism, banking and finance, hotel and restaurant, health and wellness at construction sectors.
Mayroong 100 licensed private recruitment agencies, 75 land-based at 25 sea-based, ang napag-alamang magiging bahagi din ng inisyatiba.
Bukas para sa lahat ng jobseekers, mga bagong graduate, mga OFWs na nawalan ng trabaho at sa lahat ng interesado ang Job Fair.