Christ in You, Our Hope and Glory, ito ang tema ng ginaganap na 51st International Eucharistic Congress sa Cebu City.
Roma, Enero 27, 2016 – Sinimulan noong Enero, 24 at magpapatuloy hanggang Enero 31ang 51st International Eucharistic Congress (IEC) sa pangangasiwa ng Archdiocese of Cebu.
Ito ay sumasaklaw sa isang linggong gawain na idinadaos sa Cebu City, isang makasaysayang lugar para sa mga Pilipino dahil sa pagiging Queen City of the South at itinuturing na pook na sinilangan ng Kristiyanismo ng Pilipinas.
Ang eucharistic congress ay isang mahalaga at natatanging pagtitipon partikular sa Simbahang Katoliko. Maituturing na isang banal na pagtitipon ito ng mga leader ng simbahan tulad ng mga kaparian at karaniwang tao. Layuning nito ang palalimin pa ang kaalaman sa halaga ng Eukaristiya sa buhay ng bawat indibidwal at sa misyon ng Simbahang Katoliko.
Ang tema ng kongreso ay: “Christ in You, Our Hope and Glory” (Col. 1:27). Inaasahan ng mga obispo sa Pilipinas na sa pamamagitan ng okasyon ay higit na lalalim ang pag-unawa ng mga Pilipinong Katoliko sa pagmamahal sa Eukaristiya habang naghahanda ang Pilipinas para sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa 2021. Isa rin itong panibagong oportunidad upang ipakita sa mundo ang walang maliw na pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos sa kabila ng maraming trahedya at suliranin ng bansa.
Kasalukuyang nagkakaroon ng mga talakayan, katekismo, at aral kasama ang mga theologian ng Simbahan na nakatuon sa tema. Naghanda ang Archdiocese of Cebu ng mga kasiyahan na magiging katulad ng taunan nitong Sinulog bilang pagpupugay sa Santo Nino.
Ang pagtatapos na Misa sa Enero 31, 2016, ay pangungunahan ng Papal Envoy, si Cardinal Charles Maung Bo, SDB, DD.
Matatandaang ito ay ang ikalawang pagkakataon na ganapin ang eucharistic congress sa bansa. Ang una ay noong 1937, sa ika-33rd IEC na ginanap sa Maynila. Tinatayang aabot sa 15,000 delegado mula sa Pilipinas at sa iba’t ibang sulok ng mundo ang dadalo sa congress.
Para sa mas detalyadong kaganapan sa mga pagtitipon, mangyaring bisitahin ang website ng IEC o ang official social network page nito.