Isang 7-taon gulang na batang babae mula sa Roma Italya ang namatay habang nasa bakasyon sa Pilipinas dahil sa isang uri ng mapanganib na jellyfish o dikya o medusa noong nakaraang July 26, 2018.
Ang batang babae, si Gaia Trimarchi, kasama ang kanyang ina, tiyuhin at pinsan ay kasalukuyang nasa isang tour sa isla ng Sabitang Laya Caramoan, Camarines Sur. Sa pamamasyal at pangunguha ng mga shells sa kahabaan ng dagat ay bigla na lamang nagsisigaw ang bata dahil umano sa tinding sakit na nararamdaman nito.
“Ang kanyang binti ay nakita kong nagkulay violet”, ayon kay Romanita Cabanlong, ang ina ni Gaia.
Ayon sa mga unang report, isang box jellyfish, kilala rin sa tawag na ‘sea vespa’, isa sa mga pinaka-nakakalason na hayop sa mundo ang nakakagat at naging sanhi ng pagkamatay ng bata. Sa katunayan, isang 6 na taong gulang na bata ang namatay rin sa parehong lugar isang linggo bago ang mga nangyari kay Gaia.
Ayon sa ulat ng Ansa, ay inireport ng ina ni Gaia ang kawalan ng anumang babala at kahit ang mga tourist guide ay hindi nagbigay ng mga paalala ukol sa panganib. Bukod dito, ay inireklamo din ng ina ni Gaia ang kawalan ng first aid kit sa bangkang sinakyan ng kanilang pamilya sa pagtu-tour.
Humigit kumulang kalahating oras bago nadala ang bata sa pinakamalapit na ospital kung saan huli na ang lahat.