Laman ng mga balita at usap-usapan ang sinasabing ‘The Big One’. Ang sunod-sunod bang pagyanig sa Batangas ay hudyat na nito? Ano nga ba ang tinatawag na ‘The Big One’?
Nitong Abril 4, ganap na alas-8:58 ng gabi ay isang 5.5-magnitude na lindol ang naramdaman sa Batangas at mga karatig-lugar na nasundan ng ilang mga aftershocks. Kamakalawa Abril 8, ganap na alas-3:07 ng hapon, sa Batangas din, ay isa na namang pagyanig ang naramdaman na mas malakas sa unang naitala, nasa 5.9 magnitude ito na naranasan din sa karatig na mga lugar. Ito ba ay hudyat na sa tinatawag na The Big One? Gayunpaman, ayon sa mga geologist, ang sunud-sunod na pagyanig sa Batangas ay sanhi ng paggalaw ng Mabini fault. Ito ay iba sa kinatatakutang Valley fault ng Metro Manila.
Ano ba ang “The Big One”?
Ang “The Big One” ay ang 7.2 magnitude earthquake sakaling gumalaw ang West Valley Fault sa eastern side ng Metro Manila at karatig lugar nito.
Batay sa pagtaya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sakaling gumalaw ang West Valley Fault na tumatahak mula sa taas ng Sierra Madre pababa ng Laguna kung saan ay madadaaanan ang eastern side ng lungsod ng Quezon, western side ng Marikina, western part ng lungsod ng Pasig, eastern part ng Makati at mga bahagi ng Taguig at Muntinlupa posibleng 7.2 magnitude ng lindol ang maaring maranasan ng mga taong nasa lugar nito.
Hindi katulad ng mga dumadating na mga bagyo, ang lindol ay hindi forecasted. Hindi kayang i-predict kung kailan magaganap ang isang lindol subalit puwede umanong tantyahin ang lakas ng lindol na puwedeng tumama sa isang lugar base sa haba ng fault.
Sa ngayon ay wala pa ring scientific instruments na maaaring makapag-forecast kung may darating bang lindol.
Kung ibabase sa kasaysayan, lumalabas na tuwing ika-400 taon gumagalaw ng malakas ang West Valley Fault. Taong 1658, o 357 taon na ang nakalipas nang tumama ito, ibig sabihin, malapit na ang sinasabing “ The Big One.’
Ang 7.2-magnitude na lindol ay kakayaning paugain o payugyugin ang kalupaan kahit pa ito ay daang kilometro ang layo na nangangahulugan lamang na ang buong Metro Manila maging ang mga karatig na mga probinsiya ay posibleng maaapektuhan din.
Ang kalupaan ay posibleng maapektuhan ng liquefaction, isang proseso ito kung saan ang mga sandy sediments ay kumikilos ng kagaya ng liquid o tubig, nagiging mahina ito na posibleng makaguho ng mga kabahayan at mga gusali at maging mga sementado mang mga daanan.
Ang mga lugar naman na malapit sa katubigan kagaya ng dagat, ilog at iba pang anyong tubig katulad ng sa Marikina Valley hanggang pababang Manila Bay at lahat ng mga coastal cities sa Kalakhang Kamaynilaan maaaring magkaroon ng tsunami.
Matatandaang sinasabi na ng Phivolcs noong unang ang the Big One ay posibleng tumama sa Metro Manila at mga karatig-lugar nito anumang oras, sa lakas nitong 7.2 at kaya umano nitong makapag-iwan ng tinatayang nasa 100,000 na kataong injured o sugatan na kaya ring pumatay ng nasa 34,000 na mga tao.
Sa kabila ng puspusang paghahanda ng gobyerno, bilang indibidwal ang pinakamahalaga ay MAGHANDA! Be ready! Wag umasa kung paano tayo tutulungan ng gobyerno bagkus, tayo ang tutulong sa gobyerno sa pamamagitan ng mga simpleng bagay tulad ng sumusuond:
– alamin ang mga lugar na may fault line;
– sundin ang mga payo ng mga eksperto;
– maghanda nang 72 hours survival kit na lagi nating napapanood sa TV, naririnig sa radyo, at nababasa sa mga pahayagan o kahit sa internet;
– sumali sa mga earthquake drill;
– ituro din natin ito sa ating pamilya;
– tumutok at manatiling focus sa mga balita.