Oktubre 5, 2012 – Ang dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay inaresto ng Philippine National Police (PNP) matapos magpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan sa kasong plunder.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Associate Justice Efren Cruz, division chairman, matapos tanggihan ng Sandiganbayan First Division ang mosyon mula sa panig ni Arroyo upang harangin ang warrant of arrest laban dito.
Pinadadakip si Arroyo dahil sa anomalya ng paggamit sa P366 milyong pondo ng intelligence fund ng PCSO.
Bagaman under arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC), si Arroyo ay pansamantalang mananatili dito dahil sa hypertension, dehydration, pananakit ng leeg at pamamanhid ng kamay. At dito ay mananatili hanggang sa makapagdesisyon ang Sandiganbayan kung ililipat sa kulungan ang dating pangulo.
Dakong 4:00 ng hapon kahapon (Huwebes) nang ilabas ang arrest warrant laban kay Gng. Arroyo sa loob ng VMMC presidential suite. Wala kasamang miyembro ng pamilya Arroyo nang mga oras na iyon. Tanging sina Atty. Anacleto Diaz, abogado ni Arroyo at ang tagapagsalitang si Elena Bautista-Horn ang kasama ng dating pangulo.
Kasama sa mga inisyuhan ng warrant of arrest ay sina PCSO Board of Directors chairman Sergio O. Valencia; dating PCSO general manager Rosario C. Uriarte; PCSO directors Manuel L. Morato, Jose R. Taruc V, Raymundo T. Roquero at Ma. Fatima A. S. Valdes; Benigno Aguas, PCSO asst. manager for finance; dating Commission on Audit (COA) chairman Reynaldo A. Villar at Nilda B. Plaras, COA-Intelligence Fund Unit head.