Kinumpirma ni Justice Sec. Leila de Lima na handa na ang asylum papers ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bansang Dominican Republic noon pang Oktubre 25. At ayon sa unang report, mismong si Ambassador Dominican Republic to India Hans Dannenberg ang personal pang naghatid ng asylum papers.
Patuloy diumanong inaalam kung ano ang naging batayan sa pagbibigay ng asylum kay Gng. Arroyo gayundin kung kailan ito inaplay. Ayon pa sa kalihim ay makakatulong diumano ang Department of Justice (DOJ) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa gagawing imbestigasyon. Inaalam din sa kasalukuyan kung may ibang bansa pang hiningan ng asylum ang Gng. Arroyo.
Inamin pa ng kalihim na ang paghingi ng political asylum ni Gng. Arroyo sa Dominican Republic ay mas lalo pang nagbigay ng duda sa tunay nitong layunin na makalabas ng bansa. Hinihinalang hindi lamang nakasentro sa hangarin nitong pagpapagamot ang iginigiit na biyahe sa labas ng bansa.