Sinisigurado ni President Benigno S. Aquino III ang pagkakaroon ng mga contingency measures ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang malaking pinsalang maaaring idulot ng bagyong “Pablo” na kasalukuyang nasa Philippine area of responsibility na, ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration).
Tinatayang ito ang pinakamalakas na bagyong papasok sa Pilipinas ngayong 2012. Inaasahang magdudulot ng malalakas na hangin at ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao taglay ang bugso ng hangin na aabot ng 205 kilometers per hour.
Hindi diumano biro ang potensyal na pinsalang dulot ng bagyong si ‘Pablo.’ “Intense rainfall ang dulot po ng bagyong ito, at nangangahulugang isang antas na lamang po at torrential rain na ang magiging kategorya nito. Marami-raming tubig din ang ibubuhos nito”, ayon sa Presidente.
Inatasan na ng DILG (Department of Interior and Local Government) ang lahat ng mga LGU (local government units) upang magbantay at ihanda ang mga operation centers, gayun din ang LDRRMC (Local Disaster Risk Reduction and Management Councils). Nagkakaroon na rin ng preemptive evacuation kung saan ito kinakailangan.
Ang National Disaster Risk Reduction Council (NDRRC) Operations Center ay kasalukuyan ring nasa red alert status upang magbantay at magbigay ng weather bulletins sa lahat ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Centers.
Maging ang PAGASA ay nagbibigay din ng hourly bulletins sa publiko, sa pamamagitan ng Facebook, sa Twitter, at maging sa website nito.
Samantala ang Department of Social and Welfare (DSWD) ay naglaan na rin ng standby funds na nagkakahalaga ng 42.248-million pesos worth na family packs at mga relief goods na handang ipamahagi sa LGU na apektado ng bagyo.
Maging ang Armed Forces of the Philippines ay hinahanda na ang search and rescue vehicles, at nilagay sa mga lugar na malapit sa mga tinatayang maaapektuhang lugar.
Ang Philippine National Police ay kasama rin diumano sa paghahanda sa search and rescue operations, evacuations at tinitiyak ang pagiging maluwag ng mga kalsada.
Inaasahan, gayunpaman, ng Pangulong Aquino ang pakikiisa at pakikipag-tulungan ng publiko upang maiwasan ang malaking pinsalang idudulot nito.
“Pero kaya po nating mabawasan ang pinsala na pwedeng madulot nito at kawalan ng buhay kung tayo po ay magtutulungan at makikisama sa isa’t isa,” ayon sa Pangulo sa pamamagitan ng website nito.
Bilang pagtatapos ay nagpapasalamat ang Pangulo sa media sa tulong ng pagpapamahagi ng mga impormasyon sa publiko.