Manila, dec 23, 2013 – Dumating si United Nations Secretary General Ban Ki-Moon noong nakaraang Sabado ng hapon sa Tacloban City upang personal na makita ang pinsalang naiwan ng super typhoon "Yolanda" noong Nobyembre 8.
Sinalubong ang UN chief ng ilang lokal na opisyal gaya nina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, Leyte Governor Leopoldo Dominic Petilla at Congressman FM Romualdez.
Ninais ni Ban na bisitahin ang Tacloban, matapos ang kanyang pagpupulong kasama ni Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang. Ito ay upang personal na suriin ang pinsalang nadulot ng bagyong Yolanda.
Ayon sa report ng UN Philippine, sinabing inawitan ng "Jinggle Bells" ng mga bata si Ban bilang pagsalubong sa kanyang pagdating.
Dumiresto ang UN chief sa isang paaralan at namigay ng regalo sa halos 200 kabataan. Umikot din ito sa Barangay 75 sa San Jose.
Sa kanyang statement, binigyang-diin nito na hindi dapat mabahala ang mga Pinoy dahil handang tumulong ang United Nations (UN).
Ayon pa sa UN chief ay naglunsad na ang United Nations ng $791-million aid appeal upang matugunan ang pangangailangan ng mga nakaligtas para sa susunod na 12 buwan.
Samantala, sa Malacañang ay binigyang-diin ni Ban ang kahalagahan ng "mitigation and adaptation to climate change.”
Ayon pa kay Ban ay sinisimulan na niya ang pag-organisa ng isang summit tungkol sa climate change na gaganapin ng Setyembre 23 sa susunod na taon.