Mayo 16, 2013 – Pinirmahan na ni Pangulong Aquino noong nakaraang Miyerkules ang batas na magdadagdag ng dalawa pang taon sa basic education sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Republic Act 10533, maisusulong na ang pagpatutupad ng "K to 12 program" ng gobyerno, na sinimulan na ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan sa buong bansa noong nakaraang akademikong taon.
“Walang duda: ang K to 12 Act ay bunga ng ating patuloy na pagsisikap na itulak ang makabuluhan at positibong reporma hindi lang sa sistemang pang-edukasyon sa ating bansa, kundi maging sa lahat ng sektor ng ating lipunan. Ito’y tagumpay na sumasalamin sa ating nagkakaisang hangarin na mamuhunan sa pinakamahalaga nating yaman—ang mamamayang Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Sa bagong batas, ang basic education program sa bansa ay mapapalitan– isang taon sa Kindergarten, anim na taon sa primary school, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga mag-aaral upang matutunan ang tamang konsepto at mga pagsasanay, ihanda bilang mga lifelong learners, at maihanda ang mga nagtapos sa tersiyaryong edukasyon, katamtamang antas ng kasanayan sa pag-unlad, trabaho, at Entrepreneurship.
Kasama rin dito ang paggamit ng wikang kinagisnan sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng Grade 1 hanggang 3 o ang tinatawag na mother-tongue-based multilingual education program.