Ayon sa United States Geologial Survey, ang lindol na tumama 11:49 a.m. noong Lunes ay may lakas na magintude-6.8. Magnitude-6.9 naman ang naunang naging pagsukat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) subalit binago rin at binaba sa magnitude 6.7. Ang epicenter ay namataan limang kilometro sa hilagang kanluran ng Tayasan sa Negros Oriental.
Naramdaman ang pagyanig sa Dumaguete, Cebu, Iloilo, Bacolod at sa iba pang panig ng Visayas at Hilagang Mindanao.
Patuloy pa ring inaalam ng mga opisyal ng pamahalaan ang kabuuang bilang ng mga nasawi, nasugatan at nawawala matapos ang magnitude-6.7 na lindol na tumama sa Visayas noong Lunes bago magtanghali.
Ayon kay Benito Ramos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Martes ng gabi, hindi bababa sa 22 ang bilang ng mga nasawisa Negros Oriental. Hindi kasama rito ang nauna nang naiulat na 29 na namataysa isang landslide sa bayan ng Guihulngan.
Ayon naman sa mga report ng ilang pahayagan, hindi bababa sa 71 ang natabunan at patuloy na hinahanap sa Guihulngan at sa katabing bayan nitong La Libertad.
Ayon pa rin kay Ramos, apat na lugar ang may pinakamalalang sinapit dahil sa lindol: Guihulngan, La Libertad, Tayasan, at Jimalalud, lahat sa probinsiya ng Negros Oriental.
Agad na nagpalabas ng tsunami alert warning ang Philvolcs subalit mabilis din itong binawi matapos ang dalawang oras.
Kaagad na nagsuspinde ng klase at pasok sa mga tanggapan ng paaralan sa iba’t ibang lugar na naapektuhan ng lindol noong Lunes ng hapon. Nawalan din ng kuryente at linya ng komunikasyon sa ilang panig ng Cebu at Negros Oriental.
Naiulat na maraming mga gusali, kalsada at tulay ang nasira at nagkaroon ng bitak. Patuloy pa ring na inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala bunsod ng naganap na lindol.
Sa huling tala ng Philvolcs, nagkaroon na ng mahigit 1000 aftershocks simula Lunes ng tanghali. Pinakamalakas ang magnitude-6.2 na naramdaman noong Lunes ng gabi.
Ang Malakanyang ay nagpalabas ng komunikasyon ukol sa planong pagbisita ni Pangulong Benigno Aquino III sa Dumaguete ngayong araw na siya ring kaarawa ng pangulo. Sinabi rin ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na nakikipagtulungan na ang Armed Forces of the Philippines sa Department of Social and Welfare Development (DSWD) para maipahatid ang mga kinakailangan tulong ng napinsala ng lindol.
Samantala, pinabulaanan naman ng ahensiya ang impormasyong kumakalat na ang lindol ay maaaring sanhi ng pagputok ng mga bulkan sa Visayas. Binalaan ni Philvolcs head Renato Solidum, Jr. na huwag maniwala sa mga maling impormasyong kumakalat sa pamamagitan ng text.
Matatandaan noong Sabado, kumalat din ang maling impormasyon sa text na nagsabing isang pagsabog ng underwater volcano ang naramdamang pagyanig sa Samar at Leyte.