Nagkasundo na ang mga kinatawan ng Kamara de Representantes at Senado sa isinagawang bicameral conference committee noong lunes ng gabi na aprubahan ang panukalang batas ukol sa patatakda ng buwanang sahod at mga benepisyo para sa mga kasambahay sa Pilipinas.
Ito diumano ay bilang pamasko sa tinatayang aabot na dalawang milyong mga kasambahay sa Pilipinas.
Ayon sa bicameral committee ang itakdang buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila ay hindi bababa P2,500; hindi naman bababa sa P2,000 ang mga kasambahay sa chartered cities at first class municipalities; at hindi bababa sa P1,500 sa mga nagtatrabaho sa munisipalidad.
Napapaloob din sa panukalang batas, bukod sa itinalagang buwanang sahod ang pagbibigay sa mga kasambahay ng mga social benefits gaya ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund. Ang mga payments ay dapat diumanong sagutin ng mga employer kung ang kasambahay ay tumatanggap ng sahod na mas mababa sa P5,000. Ngunit kung mas mataas naman sa halagang nabanggit, ang kontribusyon sa SSS at Pag-ibig ay paghahatian naman ng dalawang parte at ang Philhealth ay buong babayaran ng employer.
Samantala, ang mga kasambahay na mahigit isang taon nang naninilbihan ay dapat bigyan ng limang araw na incentive leave with pay at 13th month pay.
Napapaloob din sa panukala ang pagbabawal sa pagkuha ng mga kasambahay na menor de edad na wala pang 15-taong-gulang.
Sa kasalukuyan ayon kay Sen. Estrada, chairman ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, sa ilalim ng Article 143 ng Labor Code, ang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila at mga lungsod ay P800 lamang; P650 sa other chartered cities and first-class municipalities; at P550 sa ibang municipalities.
Taong 1993, sa pamamagitan ng Republic Act 7655 ang huling pagkakataong naitaas ang sahod ng mga kasambahay.