Guilty: Ito ang ibinabang hatol ng ika-15 Kongreso sa impeachment trial ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato C. Corona.
Rome, Mayo 29, 2012 – Isang kasaysayan ang naitala bilang kauna-unahang opisyal ng pamahalaan na na-convict sa isang impeachment trial.
Matapos igawad ng 20 senator-judges ang kanilang ‘guilty verdict’ (1. Angara 2. A. Cayetano 3. P. Cayetano 4. Drilon 5. Escudero 6. Estrada 7. Guingona III 8. Honasan 9. Lacson 10. Lapid 11. Legarda 12. Osmeña III 13. Pangilinan 14. Pimentel III 15. Recto 16. Revilla, Jr. 17. Sotto 18. Trillanes IV 19. Villar 20. Enrile) laban sa tatlong ‘not guilty’ (1. Arroyo 2. Miriam Defensor-Santiago 3. Ferdinand Marcos Jr.) – na labis sa requirement na 2/3 votes o 16 boto ng 23 senador – si Corona ang kauna-unahang Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na na-impeach ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at kauna-unahang public official na isinalang sa buong proseso ng impeachment trial.
Mula sa orihinal na walong Articles of Impeachment ay tatlong artikulo na lamang ang isinulong ng 188 kongresistang umaktong complainant o taga-akusa.
Unang dinesisyunan ang Article II na mas kilala na sa taguring SALN issue at matapos maibaba ang “guilty verdict” ng 20 senator-judges ay hindi na pinagbotohan ang dalawa pang natitirang artikulo.
Nakasaad sa rules of impeachment na kahit ilan ang kasong isinampa, kung makakakuha ng conviction sa isa sa mga ito ay awtomatikong matatanggal na sa puwesto ang in-impeach na opisyal.