Nob 8, 2012 – Nagpahayag ang Department of Health (DOH) ng matinding pagbabawal sa paggamit ng ‘aborted fetuses’ o ‘human embryos’ sa nagiging tanyag na stem cell therapy.
Kasabay nito, ayon kay DOH Secretary Enrique Ona ay ang paglilikha ng isang task force na magpapatakbo sa mga operasyon ng stem cell therapy sa bansa.
Kabilang sa task force sina FDA Acting Director Hartigan-Go, Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) Director Jaime Montoya, scientists mula sa UP-National Institutes of Health (NIH) at UP Marine Science.
Tututukan diumano ng task force ang pinanggagalingan ng mga raw materials, laboratory practices sa paghahanda ng mga tissue at cells, credentials ng mga scientist, pag-monitor sa marketing claims, at ang mga accredited clinic o center ay dapat na magpakita ng positibo at negatibong epekto ng stem cell therapy.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi papayagan ng pamahalaan ang paggamit ng mga “aborted fetuses” at “human embryos” o inunan para sa therapy at obligado diumanong ipaalam kung mula sa hayop o human tissues ang gagamiting materyales.
Nararapat naman na alinsunod sa patakaran ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang paghahanda ng mga tissue at cell sa mga laboratories.
Gayunpaman, binigyang-diin ng DOH na hanggang ngayon ay isinasaalang-alang pa rin ang stem cell bilang “investigational intervention”.
Stem cell therapy
Ang stem cell therapy ay ang mga pagtatanim na pinadaming mga bagong cell sa iba’t ibang parte ng katawan na isasalin sa pamamagitan ng injection ng dugong tinaniman ng mga pinadaming cell sa isang taong gustong magpasailalim sa therapy, at sinasabing nag-aalis ng mga karamdaman, nagpapagaan sa katawan at nagpapanumbalik ng kabataan ng isang tao.
Ilang eksperto ang nagpakita ng paggamit ng dugo na kinuha mula sa inunan ng bagong panganak na sanggol na pinaniniwalaang maraming sustansyang sangkap na maaaring makuha dito na kailangan para makabuo ng madaming bagong cell para sa katawan ng tao.
Gayundin, ilang eksperto naman ang nagsabing kinukuha ang dugo sa mga hayop o human tissues at paniniwalaang maganda ang mabubuong bagong cells kapag galing sa dugo ng hayop.
Bago isalin sa tao, dumadaan muna sa proseso ang isasaling dugo sa isang tao at may nagsasabing ang epekto nito sa katawan ng tao ay maaaring maramdaman makalipas ang dalawang linggo. Karaniwang may nararamdamang sakit sa katawan hanggang dalawang buwan bago tuluyang ma-adopt ng katawan ang mga bagong cell na itinanim dito.