Ginugunita ng sambayanang Pilipino tuwing Pebrero 22-25 ang EDSA People Power Revolution I. Ang paggunita sa pangyayari ay nagsisilbing bukal ng inspirasyon at katatagan ng bawat Pilipino.
Manila, Pebrero 25, 2016 – Tatlong dekada na ang nakakalipas, matapos ang makasaysayang EDSA revolution kung saan ang Pilipinas ay kinilala ng mundo dahil sa paninindigan at pagkakaisa. Lalong higit sa kakayanan ng mga Pilipino na baguhin ang sistema sa pamamagitan ng isang mapayapang paraan. Mula noon ay naging modelo ang Pilipinas dahil sa pagkilos sa EDSA. Gayunpaman, hindi lamang ilang iisang beses nangyari ang EDSA dahil kasabay ng pagpapalit ng liderato ng gobyerno ay may mga sumulpot na tinatawag nating EDSA Dos at EDSA Tres.
Ang selebrasyon ngayong taon para sa #EDSA30, na nagsimula noong Pebrero 15 ay magtatapos bukas, Pebrero 26. May temang “Pagbabago: Ipinaglaban N’yo, Itutuloy Ko!”, ang pagdiriwang ngayong taon ay nakatuon sa pagpapabatid sa kabataan ng tungkol sa panahon ng batas militar at ang natatanging karanasan ng people power. Hangad ng mga aktibidad ng pagdiriwang ang maisulong ang kamulatan ng publiko, partikular ng kabataan, tungkol sa mga pagdurusang dulot ng batas militar at mapanatiling nag-aalab ang mga ideyalismo ng demokrasya sa bansa.
Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1071, na ipinalabas noong Hulyo 8, 2015, idineklara ang Pebrero 25, 2016 bilang isang special (non-working) holiday sa bansa.
Gugunitain sa selebrasyon ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa nang magkaisa ang mga Pilipino upang ilunsad ang pinakamalaking payapang protesta sa mundo na nagbigay ng tuldok sa 20-taong rehimen ng diktadurya, nang ibinuwis na buhay o dugong dumanak.
Sa katunyan, ayon sa marami ay naging mas kahanga-hanga at enggrande ito kumpara sa mga nakalipas na pagdiriwang.
Ang experimental museum sa White Plains Avenue ang sentro ng selebrasyon. Ang museo, na libreng bubuksan sa publiko sa Pebrero 25-26, ay may siyam na bulwagan na nagtatampok sa iba’t ibang pangyayari sa panahong iyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito ang mga imahe ng mga biktima ng pagpapahirap noong panahon ng batas militar, at ang paglulunsad ng people power revolution. Tampok sa huling bulwagan si Pangulong Benigno S. Aquino III, sa pamamagitan ng hologram, habang hinihimok ang kabataan na ipagpatuloy ang laban kontra kurapsiyon.
Kabilang sa iba pang aktibidad ang tradisyunal na seremonya ng pagtataas ng watawat at ang programa sa Salubungan sa People Power Monument, gayundin ang paglulunsad ng isang nobela tungkol sa rebolusyon na may titulong “12:01.”
Sa kabuuan ay mapayapa ang isinagawang pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Edsa People Power. Walang naitalang mga insidente ng karahasan sa panahon na isinasagawa ang programa sa People Power monument na dinaluhan ng mga kilalang personalidad noong Edsa People Power Revolution at ng Pangulong Benigno Simeon Aquino lll, ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Police Director Joel Pagdilao.Bagamat may mga nagsagawa ng kikos protesta na may 100 katao sa ilang bahagi ng Ortigas, hindi naman ito umano nakaapekto sa pagtitipon.